Ito yung agency na nagpapaalis ng mga OFW papuntang Syria gayung wala namang job orders ayon sa Philippine Overseas Employment Administration (POEA) sa bansang ito.
Matatandaan na reklamo ng mga magulang ng mga biktima na pambubugbog at pang-aabuso ang nararanasan ng kanilang mga anak sa Syria.
Nitong Lunes lang ay nagpunta sa BITAG Action Center ang isa pang grupo ng mga nagrereklamo. Ang kanilang mga kamag-anak din umano ay biktima ng panloloko ng Skyline Agency.
Ayon sa mga ito, umalis sa bansa ang mga biktima papuntang Alkhobar noon pang Oktubre ng 2004. Pangako raw ng Skyline na factory worker at housekeeper ang magiging trabaho ng mga pobreng OFW.
Ngunit makalipas lamang ang ilang buwan, napag-alaman ng mga kamag-anak ng nagrereklamo na delubyo at hindi trabaho ang pinapasan ng mga kaawa-awang biktima.
Ayon daw sa mga biktima ay wala silang pasahod at pagkain mula sa kanilang mga employer. Tangi raw pamumulot ng coke in cans ang kasalukuyang nagiging panawid-gutom ng mga ito.
Dagdag pa ng mga ito, ang iba raw nilang kasamahan na tapos na ang kontrata ay binuburo sa Alkhobar ng mahigit sa isang taon nang walang maliwanag na sitwasyon.
Itong kolokoy na Skyline Placement Agency na to, estilo nitong mangako ng magagandang trabaho patungong Middle East countries. Ang siste, pag napaalis na ang mga pobreng biktima, wala nang pakialam ang tanggapan na to.
Sinubukang hingan ng tulong ng mga nagrereklamo itong Skyline pero isa raw malutong na "wala silang pakialam dahil nakaalis na sa kanila," ang tugon ng mga hinayupak.
Nag-uumpisa pa lang ang Bahala si Tulfo at BITAG sa pagkalkal sa iba pang bahong tinatago ng Skyline Placement Agency.
Naniniwala ang BITAG na hindi lang kasong Illegal Recruitment kundi human trafficking at Smuggling ang kinasasangkutan ng mga nasa likod nito.
At dahil nailapit na rin namin ang kasong ito sa Anti-Human Trafficking Task Force ng Department of Justice, sisiguraduhin naming may kalalagyan ang mga dapat managot sa mga kasong ito.
Mananatili kaming nakatutok!