‘Umagos ng dugo sa Wowowee...’

MARAMI ANG DUMAGSA SA ULTRA sa Pasig City para sa pagdiriwang sa unang anibersayo ng Wowowee ng ABS-CBN. Nagbakasakaling ang mga ito na manalo ng pera subalit hindi ito ang nangyari. Imbes na pera ay dugo ang umagos matapos maganap ang stampede dito noong Sabado.

May ilan sa mga taong nagpunta sa nasabing lugar ay nagmula pa sa probinsiya. Kahirapan ang nagtulak sa kanila na pumunta sa nasabing lugar.

Kalunus-lunos ang nangyaring trahedya. Dapat lang na managot ang pamunuan ng ABS-CBN sa nangyaring stampede. Hindi lamang basta medical o funeral services ang ibibigay ng mga Lopez sa naging biktima ng trahedya itong. Paano na lamang ang mga naiwan ng mga nasawi? Hanggang funeral at medical assistance lang ba ang maaari nilang ibigay?

Dapat sana’y siniguro ang seguridad ng mga tao na inaasahang magdadagsaan sa ULTRA. Nagtalaga sana’y dinagdagan pa ang mga security guard ng ABS-CBN ang paligid ng nasabing pagaganapan ng anibersaryo ng isa sa kanilang mga programa. Kung natiyak lang siguro ang seguridad ng lugar sa mga posibleng mangyari dito hindi sana mangyayari ang ganitong klaseng trahedya.

Masusing imbestigasyon ang dapat na isagawa. Managot ang dapat na managot sa nangyaring ito.

Para naman sa tampok na istorya sa araw na ito narito ang kasong idinulog sa aming tanggapan ng mag-asawang Julieta at Resty ng Valenzuela.

Isang pang trahedya para sa pamilya Lising na muling mawalan ng isa pang minamahal sa buhay. Matapos mapatay ang kanilang anak noong taong 2002 ay pinagtangkaan din ang buhay ni Resty. Habang nagpapagaling ito sa ospital, isa na namang insidente ang nangyari sa isang anak nito, si Christian.

Ika-22 ng Nobyembre 2005 ng gabi galing umano sa ospital ang biktimang si Christian. Dinalaw nito ang ang kanyang ama.

"Nang papauwi na ang anak ko sa bahay, sinabihan ko siya na pansamantala ay huwag muna siyang mamasada ng tricycle. Pagtuunan na lamang ang pagpasok nito ng trabaho," sabi ni Resty.

Nangangamba si Resty para sa kalagayan ng kanyang mga anak habang siya ay nagpapagaling sa ospital matapos itong masaksak.

"Dahil sa malaya pa ang taong sumaksak sa akin ay pinag-iingat ko ang mga anak ko dahil baka sila balikan ng suspek. Ayokong pati sila ay madamay. Ang isa pa nga ay hindi pa rin nahuhuli ang suspek na pumatay sa isa kong anak kaya ganoon na lamang ang bilin ko kay Christian," sabi ni Resty.

Samantala papunta sana noon ang biktima sa bahay ng isang nagngangalang Ariel na magpapasok sa kanya sa trabaho.

"Palitan kami sa pamamasada ng tricyle ang anak kong si Christian. Inalukan siyang magtrabaho sa isang pabrika kaya gusto niyang alamin ito," kuwento ni Resty.

Nagkataon naman nang lumabas ng bahay si Christian ay naabutan niyang may nag-iinuman sa compound nina Roy Ballesteros. Dahil sa nadaan ito sa mga nag-iinuman, inanyayahan ito para tumagay at pinaunlakan umano ito ng biktima.

Samantala lumabas naman si Roy at ang kaibigan nitong si Danilo Cariño para bumili ng yelo. Pagbalik umano ng dalawa sa may Em’s Barrio ay may isang tricycle na sumusunod sa kanila.

"Papalabas din daw ng compound ang anak ko para tawagin at utusan niya ang isa pang kapatid niya na umigib ng tubig. Nasalubong daw nito sina Roy at Danilo na nagtatakbo at humihingi ng tulong," sabi ni Resty.

Samantala puro lalaki ang sakay ng nasabing tricycle. Nagbabaan ang mga ito at bigla na lamang nambato. Sinigawan sina Roy at Danilo kaya ang ginawa ng dalawa ay tumakbo sa loob ng compound.

"Nagkainitan daw noon ang dalawang grupo kaya rumesbak ito sa grupo nina Roy kaya humingi ito ng tulong sa mga kainuman dahil pinagbabato na daw sila ng mga ito," kuwento ni Resty.

Pumasok umano sa Em’s barrio ang mga lalaking sakay ng tricycle hanggang sa nagkabatuhan at nauwi ito sa rambulan. Isang lalaki ang bumaba ng tricycle na siya rin nagmamaneho nito ang bigla na lamang sumaksak sa biktima.

"Ang akala nila kasama sa grupo ang anak ko kaya pati siya ay nadamay. Wala namang kinalaman si Christian sa naging away ng dalawang grupo pero siya pa ang napatay dito," pahayag ni Resty.

Dinala sa Fatima Hospital ang biktima subalit binawian na rin ito ng buhay. Agad ding inireport sa himpilan ng pulisya sa Marulas, Valenzuela ang nasabing insidente.

"Nagpa-blotter din pala ang tricycle driver sa police station. Inireport niya ang nangyaring rambol subalit ang hindi nito alam ay may nauna na sa kanyang nakapag-report," pahayag ni Resty

Nakilala sa pangalang Roberto Solis ang driver ng tricycle. Dahil sa napaunang report, agad na pinosasan at kinulong ang suspek sa pananaksak nito sa biktima.

"Nasampahan ng kaso si Roberto subalit ang mga kasama nito ay hindi naman napabilang sa reklamo namin," kuwento ni Resty.

Matapos ang preliminary investigation ay lumabas na rin ang resolution sa kasong isinampa nila laban sa suspek. Nahaharap sa kasong homicide ang suspek.

"Hangad namin na mabigyan ng katarungan ang pagkamatay ni Christian. Umaasa din kami na mapapasama sa kaso ang mga kasama pa ni Roberto dito. Dapat nilang pagdusahan ang ginawa nila sa anak ko," pahayag ni Resty.

Sunud-sunod ang mga insidente sa pamilya Lising subalit hindi sila nawawalan ng pag-asa na makamit ang hustisyang inaasam.

Para sa lahat ng biktima ng karahasan, krimen at mga legal problems, maaari kayong tumawag sa 6387285 o di kaya’y sa 6373965-70. Maaari din kayong magtext sa 09213263166 o 09198972854. Ang aming tanggapan ay sa 5th Floor City State Center Bldg., Shaw Blvd., Pasig City.

Ugaliing makinig sa aming radio program "HUSTISYA PARA SA LAHAT" kasama si DOJ Secretary Raul Gonzalez, Prosecutor Olive Non at ang inyong lingkod, tuwing Sabado alas-7 hanggang alas-8 ng umaga sa DWIZ 882 am band.

Show comments