^

PSN Opinyon

Pagiging matatag na republika

SAPOL - Jarius Bondoc -
ANG yabang natin maggiit na i-turn over ng US Embassy sa Pilipinas ang 4 na GIs na akusado ng gang rape sa Subic. Pero hindi naman natin kayang panatilihin sa piitan ang mga NPA suspect sa Batangas. Hindi natin kaya panatilihin sa high-security cell ng Army ang 4 na Oakwood mutineers.

Ang tinis natin humiyaw na segun lang sa batas ang pagpiit sa 4 na GIs habang nililitis. Pero hindi natin maitaguyod ang batas kay Capt. Nic Faeldon, isa ring Oakwood mutineer na naunang tumakas at pasulpot-sulpot sa kampo ng AFP Southcom at Wescom, at sa PNP headquarters. Ni hindi natin maayos ang mga detention center – kaya naagawan ng mga Abu Sayyaf suspect ng susi at baril ang mga guwardiya sa Camp Bagong Diwa, naglipana ang punyal at cell phones sa karsel ng immigration office, at maya’t maya ang pagpuga ng bilanggo sa iba’t ibang kulungan.

Nililista ko ang mga irony na ito para magising na tayo. Hindi tayo matatag na republika. Malambot tayo. Alam ‘yon ng Amerikano – kaya pinagtutulak-tulakan tayo. Alam nila na ang mga pinuno natin ay sasayaw sa kanilang tugtog, dahil mahina ang mga ito: Kalulusot lang ng Pangulo sa impeachment, hindi pa sarado ang usapin sa Garci Tape, lubog ang acceptance ratings ng Administrasyon.

Sang-ayon sa Visiting Forces Agreement, hindi obligado ilipat sa custody ng Pilipinas ang sino man GI na magkasala rito. Kasalanan natin, pumayag tayo sa gan’ung ayos. Pinirmahan ng ehekutibo at niratipika ng Kongreso natin ang VFA. Pero mababang opisyal lang ng Amerika ang lumagda, at ni hindi ito dumaan sa Kongreso nila. Gan’un tayo kahina.

At ngayong binabastos ng Amarika ang ating batas, ni hindi natin kayang ibasura ang VFA. Hindi rin natin kaya suspindihin ang joint RP-US military exercises. Katwiran natin, kailangang matutunan ang galing at maawitan ang lumang kagamitang panggiyera ng Amerika. Kumbaga, walang karapatang umangal ang pulubi.

Sa kalakaran ng mga bansa, ang malakas ay nananaig. Bubot pa tayo. Kailangan maging matatag na republika muna tayo, para pansinin.

ABU SAYYAF

ALAM

AMERIKA

CAMP BAGONG DIWA

GARCI TAPE

NATIN

PERO

TAYO

  • Latest
  • Trending
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with