Ang nakagugulantang na natuklasan ng mga Manila City Hall officials, hindi nakarehistrong dormitoryo ang nasunog na building kundi private residence. Ang malaking tanong, bakit nakapag-operate bilang dormitoryo ang nasabing building at bakit hindi nainspeksiyon. Sagot ng City Hall officials, hindi nila na-inspeksiyon ang building sapagkat nakarehistro ito bilang pribadong tirahan.
Umanoy sa isang sigarilyo na naiwang nakasindi ang dahilan ng sunog. Sabi naman ng arson investigators, sa kitchen nagsimula ang sunog. Umanoy nagkaroon ng party doon hanggang madaling araw. Ang building na naging dormitory ay may 20 kuwarto. Ang lugar ng dormitory ay nasa university belt area.
Ang kawalan nang fire exit ang sinasabing naging dahilan kung kaya hindi nakalabas kaagad ng kanilang mga kuwarto ang mga biktima. Naharangan din umano ng mga gamit ang daanan palabas na naging dahilan para ma-trap ang mga biktima. Ayon sa report masyado nang luma ang building kaya sa isang iglap ay nagliyab at nagmistulang impiyerno ang dormitoryo.
Ang sunog na iyon ang naging dahilan para lumutang na naman ang mga pag-iinspeksiyon umano sa mga dormitoryo. Nagkakaroon na naman nang paghihigpit makaraang may mamatay. Kung kailan may namatay na saka lamang mag-iinspeksiyon. Ganyan ang mga opisyal ng pamahalaan, kailangan munang makita na may tumutulo sa bubong bago magsagawa ng pagtatapal. Kailangan munang may madisgrasya bago gumawa ng aksiyon.
Marami pang dormitoryo sa university belt area ang lumalabag sa batas. Marami sa kanila ang nag-ooperate bilang pribadong tirahan pero ginagawang dormitoryo at pinagkakakitaan. Ang hindi alam ng mga nangungupahan, nasa panganib ang kanilang buhay. Nakatuntong sa hukay ang kanilang kanang paa sapagkat karamihan sa mga dorms ay walang fire exit. At isipin pang parang sardinas sa dami ang mga nangungupahan sa dorms karaniwan ay mga estudyante.
Ang nasunog na dorm sa P. Campa ay nararapat maging pambukas-isipan sa mga opisyal ng Manila City Hall. Tingnan ang mga paglabag sa batas lalo pa at may kinalaman sa building code.