Pinakamagandang halimbawa ay ang Ozone tragedy kung saan mahigit 100 katao ang namatay karamihan ay mga estudyanteng nagsisipagsaya dahil sa katatapos lamang ng kanilang graduation. Masakit ang alaala ng Ozone pero magandang pambukas ng isipan sa mga may-ari ng establisimiyento na lagyan ng mga fire exits ang kanilang mga gusali. Sa Ozone tragedy, lumitaw na walang fire exits ang nasabing building. Nagkaroon ng pagpapanik ang mga kostumer at naging dahilan para sila ma-trap sa nasusunog na bahay-aliwan.
Madugo ang pagsapit ng 2006 sapagkat ilang sunog na ang naganap gayong 11 araw pa lamang nakararaan. Noong Linggo ng madaling-araw, isang sunog ang naganap sa P. Campa St. Sampaloc at walong katao ang namatay, karamihan ay mga estudyante. Hindi pa mabatid ang dahilan ng sunog pero sinabi ng mga awtoridad na sigarilyo ang pinagsimulan ng lahat kaya naabo ang boarding house.
Kamakalawa dalawa ang namatay sa isang sunog na naganap sa Bgy. Palanan, Makati. Hindi umano nakalabas ang mag-ina sa kanilang kuwarto kaya nasunog. Masuwerte namang nakaligtas ang iba pang bata sapagkat mabilis silang nakalabas sa bahay. Ang nangyaring sunog ang kauna-unahan umano sa Makati ngayong 2006 at kauna-unahan din na madugo at kakila-kilabot.
Sa nangyaring sunog sa Ozone noon ay maraming opisyales ang nagturuan. Itinuro ang mga nag-iisyu ng building permit. Ganyan ang senaryo pagkatapos ng trahedya. Ang pagtuturuan ng mga opisyales kapag nangyari na ang tragedy ay hindi na kataka-taka.
Ngayoy lumulutang at kinukuwestiyon kung may permit ang boarding house na nasunog sa P. Campa St. Hindi pa lumulutang ang may-ari ng boarding house. Tinitingnan kung nagkulang ang may-ari sa paglalagay ng mga fire exits sa nasabing boarding house.
Kapag may nangyari nang malagim saka lamang nakikita ang kamalian at mga pagkukulang. Kailan matututo ang mga opisyal at ang taumbayan na rin para hindi na maulit ang malalagim na sunog na umaarangkada na ngayon.