O hala bilis, bilangin mo kung ilan beses sa isang araw ka mag-text. Kailangan mahigit isang beses, pero hindi lampas ng sampu. Doblehin mo ang numero. Idagdag mo ang 5 (para sa Linggo na pinaka-madalas mag-text). Ngayon, i-times 50 mo. (Ang bagal mo naman mag-multiply!) Kung nag-birthday ka na nitong 2005, i-add mo ang 1755; kung magbi-birthday ka pa lang ngayong patapos ang taon, i-add mo 1754. Huli, i-minus ang taon ng kapanganakan mo. Ang resulta ay tatlong digits. Ang unay kung ilang beses ka mag-text sa isang araw. Ang dalawang labi ay ... edad mo.
Nakakalula talaga ang mga numero. Alam mo ba na kung sumigaw ka nang 8 taon, 7 buwan at 6 araw, katumbas na ang enerhiya para initin ang isang tasang kape? Pero kung umutot ka nang 6 taon at 9 buwan, sapat ang gas para sa bombang magtutumba ng isang building. At ang pagtibok ng puso moy kayang magpatalsik ng dugo hanggang 30 feet.
Tungkol naman sa mga hayop: Kaya mabuhay ng ipis nang 9 araw na walang ulo, bago mamatay sa gutom. May 27,000 taste buds ang hito, pero para que kung nasa burak siya nakatira. Kayang lundagin ng kuto ang 350 times ng haba ng katawan nito; kung sa tao, parang nilundag ang haba ng tatlong basketball court.
May mga numerong nakakapagtaka. Halimbawa, bakit ba parating 10 Most Wanted Criminals, at hindi 13 o 27, e marami namang pusakal? At bakit nakapaskel sila sa Post Office? Gusto ba lumiham tayo sa kanila? At bakit kahit anong papel, hanggang 7 beses lang kaya itupi nang kalahati. At ang wingspan pala ng Boeing 747 ay kasing-haba ng unang nilipad ng Wright brothers.
At sa numero nagkakahiwa-hiwalay ang kamalayan ng tao. Ang mga papasok sa kolehiyo sa 2006 ay isinilang mula 1989-1990. Hindi nila dinanas ang martial law. Hindi na nila inabot ang music records, kaya hindi nila alam ang ibig sabihin ng "para kang sirang plaka." At para sa kanila, dati nang puti si Michael Jackson.