Hindi lamang ang Calapan City sa Mindoro ang grabeng sinalanta ng pagbaha kundi maging ang Lucena City sa Quezon. Oo ngat ang pagbaha sa mga nabanggit na lugar ay likha ng pag-ulan dulot ng masamang panahon pero ang nakapagtatakay matagal bumaba ang tubig na inabot ng ilang araw. Ibig sabihin, wala nang mga ugat ng punongkahoy na pumipigil sa lupa at sumisipsip sa tubig baha. Panot na panot na ang bundok at mga gubat at walang makapigil kaya pati lupa ay naaagnas.
Noong nakaraang taon, sinalanta nang pagbaha at pagguho ng lupa ang Real at Gen. Nakar sa Quezon at maging ang Dingalan sa Aurora Province. Maraming namatay at nasirang kabuhayan. Ang grabeng pagtotroso ang itinuturong dahilan kaya nagkaroon ng trahedya.
Ipinatigil ng DENR ang pagtotroso sa buong bansa dahil sa nangyari. Marami ang nagpasalamat sapagkat matitigil na rin sa wakas ang pagsalanta sa gubat. Mapipigil na ang matatakaw na negosyante na kinakalong ng mga pulitiko.
Pero eksaktong isang taon, muli na namang umarya ang mga logging companies. Tuloy na naman ang pagtotroso. Pinahintulutan na muli sila ng DENR na makapagputol ng kahoy. Isa sa binigyan ng permiso ay ang logging company ni Sen. Juan Ponce Enrile para makapagtroso sa Samar. Ang masaklap, ang puputulan ng kahoy ng kompanya ni Enrile ay nasasakop ng Samar Island Nature Park. Ano ba ang nangyayaring ito?
Ang DENR ang nagbawal sila rin pala ang susuway sa kautusan. Tiyak marami na naman ang maaapektuhan sa darating na tag-ulan.