Nagpunta sa aming tanggapan si Rodolfo Buenafe, 46 taong gulang ng Taytay, Rizal upang humingi ng tulong hinggil sa agarang paghuli sa mga suspek na matapos holdapin ay nabaril pa ang kanyang anak na si Shiela, 18 taong gulang.
Ika-3 ng Marso 2005 bandang alas-6:45 ng gabi sa Valley Golf Subd, Ortigas Avenue naganap ang insidente. Nakasakay si Shiela sa isang pampasaherong Tamaraw FX kasama ang kanyang nobyong si Ronald Allan de Guzman at iba pang sakay.
"Magkasamang umalis sina Ronald at Shiela sa bahay namin. Sumakay kami ng fx sa bandang likuran. Paglagpas pa lang ng gate ng valley golf nagulat na lang daw sila ng biglang bumunot ng baril ang lalaking nasa harapan nila at may kasama rin ito," kuwento ni Rodolfo.
Pagkabunot ng baril ng suspek sabay sigaw umano ito ng Hold up, ibigay ninyo ang gamit ninyo. Samantala hinarang pa ng lalaking ito ang pinto upang hindi sila makatakas.
"Tinutukan daw si Ronald ng suspek sabay hataw sa kanyang mukha. Mabuti na lamang daw ay dumaplis lamang ito. Nagulat at natakot ang anak ko kaya sinabihan daw nito ang holdaper na ibibigay naman daw nila," salaysay ni Rodolfo.
Kinuha nito ang Nokia cellphone ni Ronald at pagkatapos ay si Shiela naman ang tinutukan ng baril ng holdaper. Inagaw nito ang bag ng biktima. Takot na takot si Shiela ng mga oras na yon kaya naman ang kanyang nobyo ay niyakap siya upang protektahan ito.
"Sinabihan ni Ronald ang anak ko na ibigay na lamang ang bag niya para nga hindi sila saktan ng mga ito pero ayaw pa rin nitong bitawan ang bag niya," sabi ni Rodolfo.
Ibinigay na ni Shiela ang kanyang bag at sinabi nitong ibibigay naman niya ito. Samantala ang isa namang holdaper na kasama nito ay inutusan ang may hawak na baril na paputukan si Shiela. Bahagyang humarap ito sa kanila at sabay tutok ng baril sa kanila.
"Ipinutok naman ng holdaper ang baril kay Shiela hanggang sa maramdaman ng anak ko na may tama na siya. Tumigil ang sasakyan at dali-dali daw bumaba ang tatlong holdaper," sabi ni Rodolfo.
Niyakap at inihiga ni Ronald ang kanyang kasintahan. Dinala ito sa Ryan Hospital. Binigyan ito ng lunas subalit pinayuhan na ilipat sa ibang ospital na kumpleto ang mga kagamitan. Sa Manila East Hospital sa Taytay inilipat si Shiela. Sa kasamaang palad, habang ginagamot ang biktima ay binawian na rin ito ng buhay.
"Namukhaan naman ni Ronald ang mga holdaper kaya nang magkaroon ng follow up operation ay natukoy niya ang mga suspek," sabi ni Rodolfo.
Sa himpilan ng pulisya, inihirap kay Ronald ang anim na suspek. Ipinirisinta ang mga ito sa kanya at positibong kinilala nito ang isa sa mga suspek sa naganap na panghoholdap, si Guiller Baui, 22 taong gulang ng Taytay, Rizal. Siya ang nasa bandang likuran nina Shiela. Samantala may ipinakita rin kay Ronald na mga litrato na mga sangkot sa Robbery hold-up.
"Nakita din ni Ronald ang isa sa mga holdaper na kinilalang si Bernard Barameda alyas Andong Aguilar," sabi ni Rodolfo.
Isang reporter, si Tiburcio Trajano, ang nagbigay ng kanyang pahayag matapos nitong interbyuhin si Guiller. Inamin umano nito sa kanya ang partisipasyon nito sa naganap na panghoholdap at pamamaril sa biktima. Sinangkot din niya si Danilo Magana alyas JR Bunso na siyang bumaril kay Shiela. Inamin din umano nito na hindi lamang iyon ang unang beses na ginawa nilang mangholdap.
"Pero sa kanyang counter-affidavit pinabulaanan niya ang akusasyon laban sa kanya. Sinabi niya na nakikipag-inuman siya noong araw na maganap ang insidente." kuwento ni Rodolfo.
Idinagdag pa ni Guiller na tinakot at binugbog lamang umano siya ng mga pulis kaya napaamin siya sa kasong ito. Binantaan umano din si Guiller na sasampahan pa siya ng iba pang kaso kaya napilitan siyang aminin at idamay pa ang dalawang kasama.
Subalit sa kabila nang pag-aalibi ni Guiller hindi pa rin siya kinatigan. Pumabor sa pamilya ng biktima ang naging resolution sa kasong Robbery with Homicide laban sa mga suspek na sina Guiller Baui, Danilo Magana at Bernard Baramida. Subalit malaya pa rin sina Magana at Baramida.
"Hangad naming mabigyan ng hustisya ang nangyaring ito sa aking anak. Umaasa rin kaming mahuhuli pa ang dalawang suspek na ngayon ay nagtatago pa rin," pagwawakas ni Rodolfo.
Kung tayo man ay magiging biktima ng panghoholdap, hayaan na lamang nating makuha ang mga bagay na nais nila kesa buhay ang kuhanin nila. Madaling kitain ang pera subalit kung patay ka na paano mo pa ito kikitain.
Nais kong pasalamatan ang tanggapan ni Administrator Benedicto Ulep ng Land Registration Authority sa walang sawa niyang pagpapadala ng representative sa aming tanggapan para sa may mga problema sa lupa. Nagpapasalamat din ako kay Engr. Porferio Encisa Jr., Chief, Subdivision & Consolidation Division.
Para sa lahat ng biktima ng karahasan, krimen at mga legal problems, maaari kayong tumawag sa 6387285 o di kayay sa 6373965-70. Maaari din kayong magtext sa 09213263166 o 09209672854. Ang aming tanggapan ay sa 5th Floor City State Center Bldg., Shaw Blvd., Pasig City.
Ugaliing makinig sa aming radio program "HUSTISYA PARA SA LAHAT" kasama si DOJ Secretary Raul Gonzalez, Prosecutor Olive Non at ang inyong lingkod, tuwing Sabado alas-7 hanggang alas-8 ng umaga sa DWIZ 882 am band.
E-mail address: tocal13@yahoo.com