Kung namamayagpag ang video karera ni Oye Santos sa Parañaque City, mas marami namang makina ang nakalatag sa kaharian ni Muntinlupa City Mayor Jaime Fresnedi.
Ayon sa mga suki ko, umaabot sa 40 makina ang kinagigiliwan ng mga adik sa ngayon sa Muntinlupa City at mukhang kinukunsinti naman ito ni Mayor Fresnedi. Ang masama niyan, isang pulis na si SPO1 Paeng Lipata na umanoy naka-assign sa opisina ni Chief Supt. Wilfredo Garcia, ang director ng SPD, ang nasa likod ng video karera operations sa Muntinlupa City. May basbas kaya ni Dir. Garcia ang mga makina ni Lipata? Kaya pala tahimik lang si Sr. Supt. Robert Rongavilla, hepe ng Muntinlupa City police, eh tiyak nagkalaman din ang kanyang bulsa. At paano susuwayin ni Rongavilla si Lipata kung nasa likod niya si Gen. Garcia, aber? He-he-he! Tsama-tsama sa ligaya ang mga opisyales ng pulisya sa SPD, di ba mga suki?
Kaya ko sinabing tsama-tsama sa ligaya sila dahil sa Las Piñas City naman ni Mayor Nene Aguilar ay nagsulputang parang kabute ang mga peryahan, lalo na sa Zapote area kung saan malakas ang color at number games. Sinabi ng mga suki ko na halos limang malalaking peryahan na ang gumagana sa Las Piñas City at naiwang nakatunganga si Supt. Josephus Angan, ang hepe ng pulisya. Siyempre, tiyak ding naanggihan ang bulsa ni Angan dahil sa mga pasugalan sa peryahan, di ba mga suki? Hindi na ako magtataka kung hindi kayang hambalusin ni Angan ang mga peryahan dahil alam nyo na mga suki ang dahilan, di ba? Subaybayan at ibubulgar pa natin ang operation ng peryahan sa Las Piñas at antaying umaksiyon sina Mayor Aguilar at Supt. Angan.
Sa ngayon mga suki, kung titingnan nyong maigi, mapupuna mo na ang mga operation ng sugal sa ibat ibang bahagi ng Metro Manila ay hindi mamamayani kung walang basbas ng mga pulitiko natin, tulad nina Oreta, Aguillar, Fresnedi at Bernabe. Kasi nga hindi dapat panay kapulisan lang ang dapat sisihin kung malaganap ang pasugalan sa inyong lugar. Sa totoo lang, kapag naikumpas ng mga mayor ang kanilang mga kamay na bakal, walang magawa ang mga hepe ng pulisya nila kundi sundin ang kautusan nila, kasi ang mga pulis sa ngayon ay under the supervision na ng mga mayor. Pero hindi ko sinasabi na absuwelto na si Chief Supt. Garcia sa malaganap na pasugalan sa kanyang area.