‘Ayon sa inyong paniniwala’

IBA’T IBANG reaksyon ang maririnig sa mga kapwa-Pilipino tungkol sa kasalukuyang kalagayan ng ating bansa. Marami ang nagsasabing pahirap nang pahirap ang buhay. May mga nagsasabi rin na gumaganda na ang ating ekonomiya kung kaya’t nababanaag na ang pag-unlad ng Pilipinas. Ang iba nama’y nagkikibit-balikat na lamang at umaayon na lamang sa daloy ng araw-araw na pamumuhay.

May magandang aral ang ibinibigay sa atin ng Ebanghelyo para sa araw na ito (Mateo 9:2-31).

Pag-alis ni Jesus sa lugar na iyon, sinundan-sundan siya ng dalawang lalaking bulag. Sumisigaw sila na ang wika, "Anak ni David, mahabag kayo sa amin!" Pagpasok ni Jesus sa bahay, lumapit sa kanya ang mga bulag. Tinanong sila ni Jesus, "Naniniwala ba kayo na magagawa ko ito?" "Opo, Panginoon," sagot nila. At hinipo niya ang kanilang mga mata, at sinabi, "Mangyari sa inyo ang ayon sa inyong paniniwala." At nakakita na sila. Mahigpit na ipinagbilin sa kanila ni Jesus na huwag sasabihin ito kaninuman. Ngunit nang sila’y makaalis, ibinalita nila sa buong lupain ang ginawa sa kanila ni Jesus.

Ang dalawang lalaking bulag ay lumapit kay Jesus, nakiusap na sila’y makakita. At dahil sa kanilang paniniwala kay Jesus, ang naging sagot ni Jesus ay: "Mangyari sa inyo ang ayon sa inyong paniniwala."


Paniniwala kay Jesus, sa ating mga sarili at sa kapwa ang kinakailangan upang maganap sa ating bansa ang ating mga magagandang adhikain. Kung wala nito, parating madilim ang kapaligiran.

Show comments