Dahil sa nagyari, inihabla ni Tino sina Manuel sa RTC para sa bayad-pinsala resulta ng demolisyon, sa dapat niyang kinita at sa hindi nabayarang upa. Ayon kay Tino, nilabag daw ni Manuel ang kasunduan nilang maibigay sa kanya ang mapayapa at sapat na paghawak ng palaisdaan sa loob ng limang taon. Hindi rin daw ipinaalam nina Manuel ang tungkol sa iba pang nakabinbing kaso laban dito.
Gayunpaman, sinabi ng RTC na ang kontrata sa pagitan nina Tino at Manuel ay walang bisa dahil ayon sa Presidential Decree 704, ang mga palaisdaan ay pag-aari ng gobyerno at hindi nina Manuel at ng mga anak nito. At batay na rin sa prinsipyong "hindi maaaring ibigay ang isang bagay na hindi naman pag-aari", ang nasabing kontrata ay talagang walang bisa dahil hindi maibibigay nina Manuel kay Tino ang anumang karapatan sa palaisdaan. Samantala, si Tino ay may pagkakamali rin dahil alam niyang hindi naman pag-aari nina Manuel ang palaisdaan at walang karapatang magpaupa kung sakaling maaprubahan ang aplikasyon nito. Kaya, sina Tino at Manuel ay parehong hindi makakatanggap ng bayad-pinsala. Tama ba ang naging desisyon ng RTC?
TAMA. Malinaw na nagpaupa sina Manuel ng bagay na hindi nila pag-aari, na wala silang karapatang paupahan ito sa iba at habang nakabinbin ang aplikasyon nila rito. At kahit na alam ni Tino ang lahat ng ito, sumang-ayon pa rin siyang upahan ang palaisdaan. Sa katunayan, ang isang fishpond lease application ay taliwas sa konsepto ng pagmamay-ari.
Hindi rin mapapaniwalaan na walang kaalaman si Tino sa pagmamay-ari ni Manuel sa nasabing palaisdaan dahil nang gawin nila ang negosasyon bago pa man sila magkasundo, nasa presensya ito ng kanyang abogado. Inaasahan ang mga abogado na nalalaman nilang ang palaisdaan ay pag-aari ng gobyerno at hindi maaaring angkinin ninuman.
Samantala, ang pag-angkin nina Manuel sa palaisdaan bilang may-ari ay salungat sa paggarantiya nila kay Tino na maaprubahan ang kanilang fishpond lease application. Ito sana ay naging sapat na babala kay Tino upang alamin ang karapatan nina Manuel sa palaisdaan at sa pagpapaupa rito. Kaya, nagkamali si Tino nang pumasok siya sa isang Kasunduan sa Pagpapaupa na walang bisa. At dahil parehong nagkamali, wala kina Manuel at Tino ang makakatanggap ng bayad-pinsala (Menchavez vs. Teves, Jr. G.R. 153201, January 26, 2005).