Pinatay ng kabaro...
November 21, 2005 | 12:00am
Ang istorya sa araw na ito ay tungkol sa pagkakapaslang ng isang pulis dahil sa droga. Nagsadya sa aming tanggapan si Lorna Ramel, 31 taong gulang ng Tambo, Parañaque upang humingi ng tulong tungkol sa kaso ng kanyang asawang pinatay nang umanoy kabaro nito.
Ang biktimang si PO3 Cornelio Nel Ramel, 32 taong gulang ay naka-assign sa Parañaque Police Station. Ayon kay Lorna, kabisado at sanay na siya sa trabaho ni PO3 Ramel. Madalas umano niyang sabihan ang kanyang asawa na maging tapat sa kanya at huwag maglilihim kahit na ito ay patungkol sa kanyang trabaho.
"Legal man o illegal gustong kong nalalaman ang kanyang ginagawa. Isa pay alam ko naman ang trabaho ng isang pulis. Aminado ako na may ginagawa rin siyang illegal," sabi ni Lorna.
Ganoon nga ang ginawa ni PO3 Ramel. Lahat ng kanyang ginagawa sa labas man o sa loob ng kanyang trabaho ay ipinapaalam nito kay Lorna. Kayat sa tuwing itoy lumalakad ay madalas niyang sabihan ang asawa na mag-iingat sa lahat ng kanyang desisyon at gagawin.
Ika-30 ng Abril 2004, ika-7th birthday ng kanilang anak na si Karen Yvone, nagpaalam ito sa kanya na aalis lamang para magdelihensiya ng pera para ipanghanda kinabukasan.
"Gusto niyang ipaghanda ang anak namin kaya naman nang magpaalam siya sa akin, pinayagan ko siya umalis noon. Sinabihan ko rin siya na mag-iingat na lamang siya parati," sabi ni Lorna
Samantala nagkasundo naman ang mag-asawa na magkikita sila sa pinagtatrabahuhan nito sa World Bowling Center upang sunduin ang kanilang anak na noon ay nasa Laguna. Hindi na sila nagkita pa kaya nagbilin na lamang si Lorna na tawagan na lamang siya.
Ika-2 ng Mayo 2004 bandang alas-5 ng hapon nang huling makausap ni Lorna ang kanyang asawa. Nagpaalam pa ang biktima sa kanyang asawa na may pupuntahan lamang ito sa Sucat, Parañaque kasama si George Apruebo alyas Jojo na siyang parating kasa-kasama nito sa tuwing ito ay may tinutunguhan.
"Live-in partner ng kapatid ko si Jojo. Siya ang striker ng asawa ko. Napag-usapan namin na alas-12 ng hatinggabi ay nakaplano kaming pumunta ng Laguna pero nangyari yun at nagkaroon pa kami ng usapan na kinabukasan magkikita kami sa pinagtatrabahuhan ko. Pero hindi naman na kami nagkita hanggang sa umuwi na ako lang sa Laguna," sabi ni Lorna.
Subalit hindi nakarating si PO3 Ramel sa usapan nilang mag-asawa. Samantala noong unay hindi naman nababagabag si Lorna sa hindi pagpapakita ng asawa dahil nasanay na siya sa trabaho ng asawa pero nagtataka na siya kung bakit kahit tawag man sa telepono ay hindi nito ginawa.
"Nagpunta na ako sa Police Community Precinct sa Baclaran para ireport ang pagkawala ni Nel. Nagtanung-tanong rin ako sa lugar na madalas siya para makakuha ng impormasyon," sabi ni Lorna.
Sa kanyang paghahanap sa asawa, nakilala niya ang isang nagngangalang Red na umanoy drug user sa Purok 5 sa nasabing lungsod. Sinabihan siya nito na patay na ang kanyang asawa subalit ayaw naman ni Lorna ang sinabi nito.
"Hindi ako naniwala sa sinabi nung Red kaya pinilit ko paring hanapin siya. Nalaman ko naman sa aking bayaw, si Arvin Ramel na huling nakitang kasama ni Nel ay si Jojo," kuwento ni Lorna.
Lumipas ang ilang araw, hindi pa rin nagpapakita si PO3 Ramel. Alalang-alala na si Lorna sa kanyang asawa. Samantala kinausap ni Lorna si Jojo upang humingi ng impormasyon sa biglang pagkawala ni PO3 Ramel subalit wala naman siyang mapiga dito upang matunton ang kinaroroonan ng kanyang asawa.
"Panay ang pakiusap ko na samahan niya ako kay Nel at baka lang nasa bahay ng ibang babae. Gusto ko lang puntahan para makatiyak kung maayos ba ang asawa ko pero matigas ang sagot niyang hindi niya ako masasamahan dahil wala siyang alam kung nasaan ang asawa ko," pahayag ni Lorna.
Malakas ang kutob ni Lorna na may alam si Jojo sa hindi pag-uwi ni PO3 Ramel. Siya rin ang huling nakitang kasama nito kaya hindi siya tumigil hanggat hindi nito napakikiusapan si Jojo na samahan siya nito.
Maging ang biyenan ni Lorna, si Lita ay panay rin ang pakiusap kay Jojo na samahan na sila nito subalit matigas pa rin ang sagot nitong wala siyang alam.
"Sinabihan ko ang nanay na iyakan na niya si Jojo para lang samahan kami. Ang sabi pa nga namin ay kahit ituro lang niya ang lugar kami naman ang makikipag-usap sa asawa ko hanggang sa napapayag na rin siya ng biyenan ko," sabi ni Lorna.
Ika-14 ng Mayo 2004 ng umaga nang magpunta sina Jojo at Arvin sa lugar na kinaroroonan ni PO3 Ramel sa #1002 De Leon Compound, San Antonio Valley 2, Sucat Road, Parañaque. Dito nila nalaman na may bangkay na natagpuan sa bakanteng palengke.
"Tinawagan ako ni Jojo at sinabi sa akin ang tungkol sa bangkay na natagpuan doon. Sinabihan niya ko na pumunta raw ako sa Mesina Funeral Homes sa Las Piñas para siguruhin kung asawa ko nga ang bangkay na natagpuan doon," sabi ni Lorna.
Abangan sa Miyerkules ang mga susunod na pangyayari sa pagkakapaslang kay PO3 Cornelio Ramel dito lamang sa CALVENTO FILES sa PS.
Para sa lahat ng biktima ng karahasan, krimen at mga legal problems, maaari kayong tumawag sa 6387285 o di kayay sa 6373965-70. Maaari din kayong magtext sa 09213263166 o 09209672854. Ang aming tanggapan ay sa 5th Floor City State Center Bldg., Shaw Blvd., Pasig City.
BrandSpace Articles
<
>
- Latest
- Trending
Trending
Latest
Trending
Latest
Recommended