^

PSN Opinyon

Maalala mo pa kaya?

PANAGINIP LANG - Nixon Kua -
PINADALA po ito sa akin ng kaibigan kong si Peter Sing. Naisip kong ibahagi sa lahat dahil masayang mga alaala at panandaliang paglimot sa magulong kasalukuyan. Nanaisin nating bumalik ang nakaraan, kung saan mahal tayo at mahal natin ang mga lider, masaya ang lahat, simple ang pamumuhay pero higit sa lahat… walang kasinungalingan, pandaraya at pagnanakaw.

Heto ang KAPAYAPAAN na alam natin, noong wala pang KAUNLARAN…

Si Nanay ay nasa bahay pag-uwi namin galing sa paaralan; walang mga bakod at gate ang magkakapitbahay. Kung meron, gumamela lang;

Sampung sentimos o diyes lang ang baon: singko sa umaga, singko sa hapon. Merong free ang mga patpat ng ice drop: buko man o munggo.

Mataas ang paggalang sa mga guro at ang tawag sa kanila ay Maestro/a: Di binibili ang tubig, puwedeng makiinom sa di mo kakilala. Malaking bagay na ang pumunta sa ilog para mag-picnic, o kaya sa tumana;

Grabe na ang kaso pag napatawag ka sa principal’s office o kaya malaking kahihiyan kapag bagsak ka sa exams; Simple lang ang pangarap: makatapos, makapag-asawa, mapagtapos ang mga anak… Pwedeng iwan ang sasakyan at ibilin sa hindi mo kakilala; wala namang lock ang mga jeep na Willy’s noon.

Mayroon kaming mga laruan na gawa namin at hindi binili: trak-trakan (gawa sa rosebowl ang katawan at darigold na maliit ang mga gulong, "sketeng" (scooter) na bearing na maingay ang mga gulong at de-singkong pako para sa preno; patining na pinitpit na tansan lang na may dalawang butas sa gitna para suotan ng sinulid (pwede pang makipag-lagutan); Sumpak, pilatok boca boca, borador, atbp.

Di nakikialam ang mga matanda sa mga laro ng mga bata: kasi laro nga yon. Maraming usong laro at maraming kasali: laste, gagamba, turumpo tatsing ng lata, pera namin ay kaha ng Philip Morris, Marlboro, Champion (kahon-kahon yon!) May dagta ang dulo ng tingting na hawak mo para makahuli ka ng tutubi, nandadakma ka ng palakang tetot, pero ingat ka sa palakang saging dahil sa kulugo; Butas na ang sakong ng Spartan mong tsinelas — suot mo pa rin; namumugalgal ang pundiya ng karsonsilyo mo kasi nakasalampak ka sa lupa.

Sa modernong buhay at sa lahat ng kasaganaan sa high technology … di ba minsan nangarap ka na rin… mas masaya noon araw! Sana pwedeng maibalik… Takot tayo ngayon sa buhay. Kasi maraming napapatay, nakikidnap, maraming addict at masasamang loob… noon takot lang tayo sa ating mga magulang at mga lolo at lola.

Pero ngayon, alam na natin na mahal pala nila tayo kaya’y ayaw tayong mapahamak o mapariwara… Na una silang nasasaktan pag pinapalo nila tayo… Balik tayo na nakaraan kahit saglit… Bago magkaroon ng internet, computer at cell phone. Noon wala pang mga drugs at malls. Bago pa nauso ang counter strike at mga game boys. Tayo noon … Doon… Tinutukoy ko ang harang taga o tumbang preso kapag maliwanag ang buwan;

Ang pagtatakip mo ng mata pero nakasilip sa pagitan ng mga daliri pag nanonood ka ng nakakatakot sa "Mga Aninong Gumagalaw."

Unahan tayong sumagot sa Multiplication Table na kabisado natin, kasi wala namang calculator. Pag-akyat natin sa mga puno; pagkakabit ng kulambo, lundagan sa kama; Pagtikwas o pagtitimba sa poso; pingga ang pang-igib ng lalaki at may dikin naman ang ulo ng babae; Inaasbaran ng mga suberbiyo; Nginig na tayo pag lumabas na ang yantok-Mindoro o buntot page. Naisako ka rin ba? O kaya naglagay ka ba ng karton sa puwet para hindi masakit ang tsinelas o sinturon?

Pamimili ng bato sa bigas; tindahan pa puro dahon naman; bahay-bahayan na puro kahon; naglako ka ba ng ice candy o pandesal noong araw? Karera sa takbuhan hanggang maubos ang hininga; pagtawa hanggang sumakit ang tiyan;

Meron pa bang himbabao, kulitis at pongapong? O kaya ng lukaok, susuwi at espada? Susmaryosep ang nadidinig mo pag nagpapaligo ng bata… Estigo santo kapag nagmamano.

Mapagod sa kakalaro, minsan mapalo; matakot sa "berdugo" at sa "kapre";Tuwang-tuwa kami pag tinalo ang tinale ni itay kasi may tinola!

Pag recess: mamimili ka sa garapon ng tinapay- alembong, taeng kabayo o biscocho? Puwede ring ang sukli ay kending Vicks (meron pang libreng singsing) o kaya nougat o karamel.

Kapag gusto mo naman — pakumbo o kaya kariba, mas masaya kung inuyat; Puriko ang mantika at mauling na ang mukha at ubos na ang hininga sa ihip kasi mahirap magparikit ng apoy.

Marami pa… Masarap ang kamatis na piniga sa kamay at lumabas sa pagitan ng daliri para sa sawsawan; ang palutong pag isawsaw sa sukang may siling labuyo; ang duhat kapag inalog sa asin; ang isa-isang isubo ang daliri kasi puno na ng kanin…Halo—halo: yelo, asukal at gatas lang ang sahog; Sakang ang lakad mo at nakasaya ka kasi bagong tuli ka; o naghahanap ka ng chalk kasi tinagusan ang palda mo sa eswelahan.

Lipstick mo ay papel de hapon; labaha ang gamit para sa white-side-wall na gupit; Naglululon ka ng banig pagkagising; matigas na almirol ang mga punda at kumot; madumi ang manggas ng damit mo kasi doon ka nagpapahid ng sipon, di ba? Pwede rin sa laylayan…

May mga program kapag Lunes sa paaralan; may pakiling kang dala kung Biyernes kasi mag-iisis ka ng desk. Di ba masaya? Naalala mo pa ba? Wala nang sasaya at gaganda pa sa panahon na yon… Masaya noon at masaya pa rin tayo ngayon habang inaalaala yon…

Di ba noon… ang mga desisyon ay ginagawa sa awit na "sino ba sa dalawang ito?" Ito ba o ito?" Pag ayaw ang resulta di ulitin "sino ba sa dalawang ito? Ito ba o ito?" Awit muna: Penpen de Sarapen, de kutsilyo de almasen, How how the carabao batuten…

Presidente ng klase ay ang pinakamagaling, hindi pinaka-mayaman. Masaya na tayo basta sama-sama kahit hati-hati sa kokonti; Naubos ang oras natin sa pagkukuwentuhan, may oras tayo sa isa’t isa; Naaasar ka kapag marami kang sunog sa sungka; kapag buro ka sa pitik-bulag o matagal ka ng taya sa holen.

Yung matatandang kapatid ang pinaka-ayaw natin pero sila ang tinatawag natin pag napapa-trouble tayo. Di natutulog si Inay, nagbabantay pag may trangkaso tayo; meron tayong Skyflakes at Royal sa tabi.

Kung naaalaala mo ito… nabuhay ka na sa KAPAYAPAAN!Pustahan tayo nakangiti pa ka rin!"

Pinadala po sa akin ito ng kaibigan kong si Peter Sing. Naisip kong ibahagi sa lahat dahil masayang mga alaala at panandaliang paglimot sa magulong kasalukuyan. Nanaisin nating bumalik ang nakaraan, kung saan mahal tayo at mahal natin ang mga lider, masaya ang lahat, simple ang pamumuhay pero higit sa lahat… walang KASINUNGALINGAN, PANDARAYA AT PAGNANAKAW.
* * *
Para sa anumang reaksyon o komento, text lang o e mail sa [email protected] o [email protected] o mag text sa 09272654341.

KAPAG

KASI

MASAYA

NATIN

PAG

PETER SING

TAYO

  • Latest
  • Trending
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with