Hindi kasama sa mga ni-rollback na petroleum products ang LPG. At labis itong nakapagtataka sapagkat dalawang beses nang nagrollback ng kanilang produkto ang mga malalaking kompanya ng langis. Nag-rollback ng 50 hanggang 75 sentimos ang apat na malalaking oil companies. Bumaba raw ang presyo ng langis sa world market at nakatulong naman nang malaki ang magandang kalagayan ng peso laban sa US dollar. Sabi ng gobyerno, ang pagkakaimplement ng expanded value added tax (EVAT) noong November 1 ang dahilan sa magandang performance ng peso.
Maraming Pinoy ang gumagamit ng sasakyan kaya naman nakadepende ang bansa sa supply ng langis mula sa ibang bansa. Kapag nagtaas ng presyo ang mga oil producing countries, walang magawa ang mga bansang nakadepende kundi ang sumunod. At kung marami ang gumagamit ng sasakyan mas marami rin naman gumagamit ng LPG. Halos bawat tahanan particular sa Metro Manila ang nagluluto sa LPG. At lubhang nakapagtataka kung bakit hindi nirollback ang presyo nito. Sa halip na i-rollback tumaas pa ang presyo. Nadagdagan ng P1 ang bawat kilo ng LPG.
Nararapat pagtuunan ng pansin ng gobyerno ang mataas na presyo ng LPG na halos lahat ng Pinoy ay gumagamit. Apektado nang masyado ang mga maliliit ang kita. Alisin ang 10 percent EVAT na nakapataw sa LPG para naman hindi mahirapan ang mamamayan. Sa ganitong paraan, maaalis ang bigat sa kanilang balikat na matagal nang nagsusugat. Laging sinasabi ni President Arroyo na ang kapakanan ng mahihihirap o maliliit ang kanyang prayoridad. Ipakita ito ngayon sa nangyayaring walang patlang na pagtataas ng presyo ng LPG.