Sa normal na panahon, magandang tanawin ang pagdagsa ng mga ibon sa ating mga wetlands mula sa ibayong dagat. Ito ay isang atraksiyong pangturismo na nagbibigay hanapbuhay para sa mga lokal na komunidad.
Ngunit sa ngayon, nagbabanta ng panganib na nakamamatay sa tao ang pagsulpot dito ng migratory birds o mga mandarayuhang ibon. Bakit? Dahil ilan sa mga mandarayuhang ibon na ito ay posibleng nagtataglay ng avian influenza o bird flu. Ang sakit na ito ay naililipat sa mga tao at mabilis na kumakalat. Kayat pinatindi ang paghihigpit upang maiwasan ang pagpasok ng sakit na ito, kasabay ng pag-uunahan ng maraming mga bansa sa pag-iimbak ng gamot laban dito.
Sa 55 wetlands sa bansa, gaya ng Lake Naujan, tinitingnan ng DENR ang mas angkop na paraan upang mapanatiling bird flu free ang Pilipinas. Isang mahalagang bagay na dapat tandaan: huwag bulabugin ang mga ibon sa wetland. Kapag nabulabog sila, mas mahirap silang bantayan ng mga eksperto. Kapag nabulabog sila, kakalat sila, at mas lalawak ang panganib.
Kayat pakiusap po ng DENR sa mga mahihilig magpaputok, lalo nat nalalapit na naman ang Kapaskuhan: lumayo lamang po sa mga wetland. Ang nakatuwaang pagpapaputok ay maaring maging mitsa ng maraming kamatayan dulot ng bird flu. Iwas paputok, iwas panganib.