Ganyan ang nangyari noong Sabado ng hapon. Si Mrs. Arroyo pa ang naghayag na nahuli na ng PNP ang isa sa mataas ng lider ng Abu Sayyaf na si Radulan Sahiron alyas Putol. Sabi pa ng Presidente na halatang tuwang-tuwa sa nangyari na binabati niya ang PNP for a job well done. Sino nga ba naman ang hindi matutuwa sa balitang iyon gayong si Sahiron ay may nakapatong na $5 million sa ulo nito. Marami nang nagawang kasalanan ang teoristang ito na sangkot sa Sipadan kidnapping noong 2000 at kumamal nang milyong dollar ransom. Siya rin ang itinuturong pumugot sa ulo ng American hostage na si Guillermo Sobero. Siya rin umano ang pumatay kay Fr. Gallardo na binunutan muna ng kuko bago binaril. Malupit ang taong ito sa kabila na putol ang kanang kamay. Walang awa at kahit babae ay walang awang pinapatay.
Na-"wow mali" ang PNP at naging katawa-tawa sila at pati na rin si Mrs. Arroyo. Hindi si Sahiron ang kanilang nadakip kundi kamukha lamang nito. Putol din kasi ang kamay ng lalaking dinakip ng mga pulis na nagngangalang Antonio Gara, 45, taga-Zamboanga. Ayon sa asawa ni Gara, nasa tindahan ng damit umano nila ang kanyang asawa nang dakpin ng mga pulis. Matagal na raw nagmamanman ang dalawang lalaki sa kanilang tindahan. At bigla na lang dinampot ang kanyang asawa.
Nag-sorry na ang PNP sa kapalpakan ng intelligence. Sabi ni PNP chief Dir. Gen. Arturo Lomibao, dalawang taon nang tinatrabaho ang operation. Ang ginamit umanong asset ay dating military intelligence.
Pumalpak ang PNP at hindi na kataka-taka. May mga pagkakataong para mapadali ang kanilang pag-iimbestiga ay bigla na lamang sila dumadampot ng tao para ipresenta. At dapat pa bang ipagtanong na madalas nilang i-shortcut ang paggawad ng parusa. Malaki ang inilaan para sa intelligence ng PNP pero bakit pumapalpak pa at pati ang Presidente ay nadadamay sa kanilang pagka-wow mali. Maging maingat at siguruhin muna ng PNP kung hindi sila nagkakamali sa nahuhuli. Sila ang mapipintasan sa mali-maling gawain. Pati Presidente kasama sa kahihiyan.