Tiyahin kinasuhan ng 2 pamangkin

NAGSIMULA ang kasong ito noong Nobyembre 1971 nang humingi ng tulong pinansyal si Auring sa kanyang pamangking si Vencio para bayaran ang kanyang utang sa banko para hindi masamsam ang kanyang nakasanglang bahay at lupa na may titulo blg. T-37810. Nagkasundo rin ang dalawa na ipagbibili ni Auring kay Vencio ang kalahati nito patunay ang isang Deed of Absolute Sale. Sinukat ang lote at dalawang titulo ang inisyu sa pangalan nina Auring (TCT 73252) at Vencio (TCT 73251).

Simula noon, si Vencio na ang nagbayad ng buwis ng kanyang lote. Kinilala ni Auring ang pagmamay-ari ni Vencio sa kalahating lote nang maraming beses. Minsan ay ginamit niyang pampiyansa ang titulo ni Vencio para makalaya ang kanyang anak na naakusahan ng kasong malicious mischief. At nang muling mutang sa banko si Auring, isinangla lamang niya ang loteng nakapangalan sa kanya.

Subalit noong 1993, nagsampa ng kasong estafa si Auring laban kay Vencio at kapatid nitong si Dencio. Ayon kay Auring, niloko raw siya ng magkapatid nang hingin nito ang tulong pinansyala noong 1971 nang tubusin niya ang sangla kung saan pinilit siya ni Dencio na pumirma sa isang blankong papel sa nasabing transaksyon at pumayag lamang siya dahil sa tiwala sa pamangkin. At pagkatapos nito ay wala na siyang narinig pa mula kay Dencio. Natuklasan na lamang daw nila ng kanyang anak na si Nita na ang titulo ng lupa sa Register of Deeds ay nahati na sa dalawang bahagi. Pinanindigan ni Auring na hindi kailanman niya ipinagbili ito at hindi siya gumawa ng deed of sale.

Gayunpaman, ang kasong estafa ay nadismis ng Assistant Provincial Prosecutor dahil sa kakulangan ng ebidensiya. Sa pagkakataong ito, kinasuhan nina Vencio at Dencio si Auring para sa bayad-pinsalang moral dahil sa pag-uusig nito sa kanila ng may masamang hangarin (malicious prosecution). Maituturing ba ang reklamong estafa na isinampa ni Auring na isang pag-uusig na may masamang hangarin?

OPO.
Upang maituring na isang pag-uusig ay may masamang hangarin, kinakailangang ang pag-uusig ay naglalayong ipahiya ang isang tao at inihain lamang ang reklamo kahit na ito ay walang katotohanan at walang batayan. Ang pag-uusig ng may masamang hangarin sa kasong kriminal at sibil ay nangangailangan ng mga elemento ng (1) masamang hangarin at (2) kawalan ng maaaring dahilan.

Napatunayan ang dalawang elementong ito sa kasong ito. Hindi sana nagtagal pa ng 22 taon upang magreklamo si Auring na magreklamo. Bagkus, dito ay kinilala pa niya ang pagmamay-ari ni Vencio sa nasabing lote. Malinaw na ang pagsampa niya ng kasong estafa ay udyok lamang ng masama niyang hangarin. Ang pagdismis ng prosecutor’s office sa kasong estafa ay patunay ng kawalan ng batayan ng reklamo. Kaya, si Auring at ang kanyang mga anak ay magbabayad ng P150,000 bayad-pinsalang moral, P30,000 bayad-pinsalang panghalimbawa at P20,000 upa sa abogado. (Yasona etc. vs. De Ramos G.R. 156339 October 6, 2004)

Show comments