Malala na ang pornograpiya sa mga bata. Mas matindi ang mga pinagagawa sa kanila ng mga hayok na pedophiles. Pinagkakakitaan sila ng mga hayok sa laman na Australians, Briton, American at iba pang dayuhang pedophiles. Paboritung-paborito ng mga pedo na puntahan ang Pilipinas. Masayang-masaya sila kapag pumupunta rito para mangaray ng mga menor-de-edad ma-babae man o ma-lalaki. Hindi natatakot ang mga pedo kung pagsamantalahan o kunan nang hubot hubad ang mga bata habang nagtatalik. Paano matatakot e wala namang batas ang Pilipinas para harangin ang pagpunta ng mga pedo rito. Malayang-malaya sila ritong kumaladkad ng mga batang hubot hubad.
Habang ang ibang bansa ay may matibay na batas laban sa child pornography at cybersex ang Pilipinas naman ay wala man lang panlaban sa mga hayok. Kakatwa pa ngang sa ibang bansa pa nadadakma ang mga pedo habang patungo rito sa Pilipinas. Katulad ng isang Briton na nasabat sa airport sa kanilang bansa habang patungo sa Pilipinas. Nakuha sa kanyang luggage ang santambak na tsokolate, mga sex gadgets at mga kamera para sa computers. Hindi na nakatuntong sa bansa ang hayok. Kung nakapagpatuloy ang hayok na Briton sa Pilipinas, maraming menor-de-edad ang kanyang madadagit. Hindi lamang kasi ang mga bata ang pinangangakuan ng mga hayok kundi pati na rin ang kanilang mga magulang. Matagal nang isyu ang ganito. Gaano karaming kabataang lalaki ang naging biktima ng pedo noon sa Pagsanjan, Laguna; Puerto Galera, Oriental Mindoro at sa Olongapo? Napakarami. At sa kabila niyan walang batas na makapagparusa sa mga hayok na pedo.
Ngayon ay sopistikado na ang mga gamit at sa pamamagitan ng computer webcam ay maaari nang magpose nang hubad ang mga kabataang lalaki at babae. Mas lalo pang naging talamak ang pornography at wala pa rin namang nagagawang ma- bigat na hakbang ang pamahalaan. Ang tanging nagagawa ay ang salakayin ang mga internent cafe at kumpiskahin ang mga gamit pero ang pedo na operator ay hindi nila magalaw. Wala kasing batas laban sa cybersex at child pornography.