Ang pakikialam ng mga pulitiko ang dahilan sa pagsulpot nang maraming schools na wala namang kakayahan na makapagdagdag nang nalalaman sa mga estudyante. Pawang bulok ang nai-produce ng mga schools na pag-aari o ginarantiyahan ng mga pulitiko. Ang kabulukang ito ay inihayag mismo ni DepEd Undersecretary Juan Miguel Luz na kamakailan ay sinibak ng Malacañang. Mula sa Malacañang ay inilipat sa DOLE si Luz. Maganda naman ang ginawang pagbubunyag ni Luz tungkol sa kabulukang nangyayari na ang may kagagawan ay ang mga salot na pulitiko.
Nakikialam ang mga pulitiko at isang magandang halimbawa ni Luz tungkol dito ay ang nangyari kay Fr. Rolando de la Rosa, dating chairman ng Commission on Higher Education (CHED). Nagsagawa ng crack down si De la Rosa laban sa mga mahihinang nursing schools sa buong bansa. Ipasasara na ang mga bulok na school ng nursing nang biglang magpunta sa Malacañang ang mga salot na pulitiko at sinabihan si De la Rosa na itigil ang kanyang ginagawa. Iyon ang dahilan kaya nagbitiw si De la Rosa. Kaya hanggang ngayon, patuloy ang mga nursing schools na bulok. Kinukuwartahan lamang ang mga nag-eenrol na estudyante. Ni isa sa mga graduate ng nursing sa bulok na school ay walang makapasa sa board exam.
Ang pagsulpot din ng mga mahihinang schools dahil sa pakikialam ng mga pulitiko ang dahilan nang mababang porsiyento ng mga pumapasa sa Licensure Examinations for Teachers (LET). Nakakahiya ang resulta ng mga nakapasa sa LET na ibinigay noong Agosto, 26.73 lamang o dalawa sa bawat 10 education graduates lamang ang nakapasa. Nakahihiya na ay nakadidismaya pa.
Maraming pulitiko na nagmamay-ari ng mga eskuwelahan at sinumang kumanti sa kanilang negosyo ay tagpas ang leeg. Hindi maaaring maipasara ang kanilang school o ang binabackup nila kahit na ito ay bulok. Kalabisan nang sabihin na "magdadaan sa ibabaw ng kanilang bangkay". Kawawang mga estudyante na nahaharap din sa kabulukan dahil ang magtuturo ay bulok! Sisihin ang mga salot na pulitiko.