‘Mag-asawang 70-anyos minasaker sa Davao’

INILAHAD NI ROBERTO MASING, 44 taong gulang ng Sucat, Parañaque sa aming tanggapan ang problema ng pamilya niya hinggil sa pagkapatay ng kanyang mga magulang na sina Francisco Sr., 76 at Pacencia Masing, 70.

Ang mag-asawang Francisco at Pacencia ng Calinan, Davao City ay kapwa abala sa kanilang lupaing na may sukat na 10-12 hektarya. May mga tanim ang mga ito na iba’t ibang uri ng gulay, prutas, kopra, kape at iba pa.

Balikan natin ang mga pangyayari ayon sa kwento ni Roberto.

Ika-29 ng Agosto 2005 ng umaga nang magimbal ang mga residente ng Purok Pag-ibig, Brgy. Saloy, Calinan, Davao City sa sinapit ng mag-asawang Francisco Sr. at Pacencia. Natagpuan ang mga ito na naliligo sa sariling dugo.

"Nagulat ang mga kapatid ko na nasa Davao nang mabalitaan nilang pinagtataga ang mga magulang namin at nakita nilang gulung-gulo ang mga kagamitan ng mga ito," sabi ni Roberto.

Agad na pumunta ang barangay captain ng nasabing barangay, si Kapitan Alejandro B. Enriquez sa lugar na pinangyarihan ng krimen upang personal na alamin ang nangyari kina Francisco Sr. at Pacencia.

"Nagpunta nga ang kapitan ng barangay kasama ang barangay police at CAFGUs para tiyakin ang krimeng naganap. Doon nga niya nakita na duguan ang ama ko na nasa labas ng bahay habang ang ina ko ay natagpuan sa kuwarto na duguan din," kuwento ni Robert.

Habang iniispeksyon ni Kapitan Alejandro ang lugar nakita nito sa likod ng bahay ang isang lampara na pinaniwalaang pag-aari ito ng mag-asawang napaslang. Nagkaroong din ng ocular inspection ang mga pulis ng Calinan, Davao sa lugar na pinangyarihan ng krimen.

"Maaaring doon itinapon ng mga suspek ang lampara. Nakita rin ni kapitan ang isang pares na tsinelas na kulay pula at ang isa naman ay kulay violet ang pinaka-strap nito," kuwento ni Roberto.

Samantala pinatunayan naman ni Jerry Macunay, malapit sa mag-asawang Francisco at Pacencia dahil inaanak nila ito na ang mga tsinelas na natagpuan sa pinangyarihan ng krimen ay pag-aari ng isang nagngangalang Bruno.

"Ika-28 ng Agosto ng hapon nakita ni Jerry Macunay na nag-iinuman daw ang mga suspek na sina Narding Amoy, Jerry Bacrang at alyas Bruno sa Brgy. Paquibato. Inanyayahan pa raw siya ng mga ito subalit tinanggihan daw niya," kuwento ni Roberto.

Nakatawag ng pansin kay Jerry ang suot nitong tsinelas dahil sa magkaibang kulay nito. Ang mga suspek na nabanggit ay kilalang notoryus sa kanilang barangay dahil sa dami ng reklamo laban sa mga ito. Sangkot sila sa mga pagnanakaw at ilang patayan sa kanilang barangay.

"Marami na ang nagrereklamo laban sa kanila. Isa na ang mga magulang ko sa mga ninanakawan nila pero hindi naman sila nagsusumbong sa mga kapatid ko na nasa Davao ang patungkol sa pagkawala ng mga pananim namin," sabi ni Roberto.

Ayon kay Roberto, madalas pagsabihan ng kanyang mga magulang ang dating kapitan ng kanilang barangay, na si Kising Gonzaga ang mga pagnanakaw na ginagawa ng tatlong suspek na ito. Matalik na kaibigan ng mag-asawa ang dating kapitan ng barangay kaya naman dito na lamang nila sinasabi ang mga problema nito.

"Sinabihan pa nga raw ang mga magulang ko na baka kapag wala nang makuha ang mga ito ay sila naman ang patayin. Sa halip na mag-reklamo ay hinayaan na lamang nila ito upang maiwasan ang gulo at iiwas na rin sa gulo ang mga kapatid ko," salaysay ni Roberto.

Samantala sa naging imbestigasyon ng pulis, pinaniniwalaan na pinatay ang mag-asawa sa pagitan ng alas-8 hanggang alas-10 ng gabi ng ika-28 ng Agosto. Positibo na sina Bacrang, Amoy at alyas Bruno ang responsable sa pagkamatay ng mga biktima.

"Hindi pa sila kuntento sa mga pagnanakaw nila sa mga magulang ko, pinatay pa nila ito. Matatanda na nga sila pero masyadong brutal ang naging pagkamatay nila," pahayag ni Roberto.

Nagsampa ang pamilya Masing ng kasong Robbery with double homicide laban sa mga suspek subalit hanggang ngayon ay hindi pa umuusad ang kanilang reklamo.

"Malaya pa rin ang mga suspek at kung hindi pa sila mahuhuli marami pa ang gagawan nila ng masama. Hanggang ngayon ay wala pa ring preliminary investigation magmula ng magsampa kami ng kaso," pahayag ni Roberto.

Umaasa si Roberto sampu ng pamilya Masing na magkakaroon ng hustisya ang nangyaring ito sa kanilang mga magulang.

PARA SA anumang impormasyon tungkol sa kinaroroonan ng mga suspek sa brutal na kasong ito, maari kayong makipag-ugnayan sa aking tanggapan para madakip sila at pagbayaran ang krimen na kanilang nagawa.

ANO KAYA ang ginagawa ng Mayor ng Davao City, ang Gobernador ang sikat na si Rodrigo Duterte upang matulungan ang kanilang kababayan na pinatay ng walang kalaban-laban.

Para sa lahat ng biktima ng karahasan, krimen at o legal problems, maaari kayong tumawag sa 6387285 o ’di kaya’y sa 6373965-70. Maaari din kayong magtext sa 09213263166 o 09209672854. Ang aming tanggapan ay sa 5th Floor City State Center Bldg., Shaw Blvd., Pasig City.
* * *
E-mail address: tocal13@yahoo.com

Show comments