Oo ngat dapat lang alagaan ng lipunan ang mga retiradong opisyal na nagsilbi sa Republika. Pero may mga alituntunin sa pabahay sa Fort Bonifacio. Hanggang isang taon lang mula pagretiro sila maaring tumira doon para humalili ang mga nasa serbisyo o kayay maibenta na ang lupain. Pampatatag ito ng morale, at pang-iwas sa kudeta na siniyasat ng Feliciano Commission.
Matagal nang retirado ang 154 heneral at kolonel ng Army, Navy, Air Force at PNP sa Fort Bonifacio. Walo nga sa kanila ay patay na, pero nananatili sa military housing ang mga pamilya. Yung iba, ginagamit pang-negosyo ang mga bahay, tulad ng tindahan o iskuwelahan. Lugi ang libo pang ibang heneral at kolonel na nakapila para sa pabahay na malapit sa trabaho.
Isa sa inangal ng mga Oakwood mutineers nung Hulyo 2003 ay ang kakapusan ng pondo sa bakbakan laban sa mga rebelde, at madilim na kinabukasan sa serbisyo. Nilantad natin ang ilang katiwalian sa AFP, tulad ng pangungulimbat ng Maj. Gen. Carlos Garcia ng P352 milyon. Ang masaklap sa isyung ito, karamihan sa 154 retirado ay mga nag-kudeta rin nung panahon ni Cory Aquino.
Sana naman ituloy ng AFP ang pagreporma sa pamamagitan ng pagtupad sa mga utos ng Feliciano Commission. Kung hindi, mananatiling mababa ang morale sa militar, matutuloy ang nakawan, at mauuwi na marami pang kudeta.
Baka naman puwedeng humingi ang AFP ng pondo sa Kongreso o sa Bases Conversion Development Authority para pansamantalang ibahay ang 154 retirado hanggang makahanap sila ng permanenteng tirahan.