^

PSN Opinyon

Bawiin na ang lupa ng AFP

SAPOL - Jarius Bondoc -
SIMPLE ang paki ni Maj. Jose Castillo kay AFP chief Gen. Generoso Senga. Batay sa utos ng Feliciano Commission, bawiin na sana ng AFP ang mga lupa’t bahay ng retiradong heneral sa Jusmag at Navy Officers Housing sa Fort Bonifacio. Ito’y upang maibenta ang mamahaling real estate para sa pagmo-modernisa ng militar at benepisyo ng mga sundalo.

Oo nga’t dapat lang alagaan ng lipunan ang mga retiradong opisyal na nagsilbi sa Republika. Pero may mga alituntunin sa pabahay sa Fort Bonifacio. Hanggang isang taon lang mula pagretiro sila maaring tumira doon – para humalili ang mga nasa serbisyo o kaya’y maibenta na ang lupain. Pampatatag ito ng morale, at pang-iwas sa kudeta na siniyasat ng Feliciano Commission.

Matagal nang retirado ang 154 heneral at kolonel ng Army, Navy, Air Force at PNP sa Fort Bonifacio. Walo nga sa kanila ay patay na, pero nananatili sa military housing ang mga pamilya. ‘Yung iba, ginagamit pang-negosyo ang mga bahay, tulad ng tindahan o iskuwelahan. Lugi ang libo pang ibang heneral at kolonel na nakapila para sa pabahay na malapit sa trabaho.

Isa sa inangal ng mga Oakwood mutineers nu’ng Hulyo 2003 ay ang kakapusan ng pondo sa bakbakan laban sa mga rebelde, at madilim na kinabukasan sa serbisyo. Nilantad natin ang ilang katiwalian sa AFP, tulad ng pangungulimbat ng Maj. Gen. Carlos Garcia ng P352 milyon. Ang masaklap sa isyung ito, karamihan sa 154 retirado ay mga nag-kudeta rin nu’ng panahon ni Cory Aquino.

Sana naman ituloy ng AFP ang pagreporma sa pamamagitan ng pagtupad sa mga utos ng Feliciano Commission. Kung hindi, mananatiling mababa ang morale sa militar, matutuloy ang nakawan, at mauuwi na marami pang kudeta.

Baka naman puwedeng humingi ang AFP ng pondo sa Kongreso o sa Bases Conversion Development Authority para pansamantalang ibahay ang 154 retirado hanggang makahanap sila ng permanenteng tirahan.

AIR FORCE

BASES CONVERSION DEVELOPMENT AUTHORITY

CARLOS GARCIA

CORY AQUINO

FELICIANO COMMISSION

FORT BONIFACIO

GENEROSO SENGA

JOSE CASTILLO

MAJ

  • Latest
  • Trending
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with