Drilon at Cory di titigil hangga’t hindi napapalayas si Gloria

NAGMUKHANG traidor si Senate President Franklin Drilon sa tinuran ni Press Secretary Ignacio Bunye na naiset-up niya si Presidente Arroyo para sa public apology nito noong Hunyo. Lalong kapani-paniwala kasi ang ibinulgar ni Bunye dahil mismo si Drilon ay umanin na tumulong siya sa pag-draft ng "lapse of judgement’’ speech ni GMA na binasa nito sa TV. Umamin din si Drilon na nagkita sila ni Bunye at mga kasamahan nila ng dalawang beses para pagpasyahan kung public apology nga o hindi ang isasagot ni GMA sa mga akusasyon ukol sa "Hello Garcia’’ tape. Hindi maintindihan kasi ni Bunye kung bakit si Drilon na abot langit na nangakong sasaluhin niya si GMA kapag patuloy na pinasisibak ito ng karamihan sa mga Pinoy ay biglang bumaligtad at nandoon na sa Oposisyon. Gusto ni Drilon na lisanin na ni GMA ang kanyang trono para palitan niya? He-he-he! Personal na ambisyon lang iyan!

Kaya naman inilabas ni Bunye ang sama ng loob niya kay Drilon kasi ito pa ang nangunguna para imbesti- gahan ng Senado ang North Rail project ng gobyerno at maging ang walang katapusang wiretapping noong nakaraang elections ‘‘in aid to legislation.’’

Nagsususpetsa kasi si Bunye na ang tunay na dahilan sa dalawang imbestigasyon na ito ng Senado ay para ituloy ang naunsiyaming impeachment kay GMA na nabigo sa Mababang Kapulungan. Sa totoo lang, naniniwala ako na si Drilon, kasama ang padrino niya na si dating President Cory Aquino ay hindi hihinto para mapalayas si GMA sa Palasyo. Mukhang malalim na ang awayan nila, di ba mga suki? He-he-he! Ang Hacienda Luisita kaya ang dahilan kaya’t pursigido si Cory na sibakin si GMA?

At habang abala si Drilon at ang mga kaalyado niya kung paano sisipain si GMA sa puwesto, mukhang nakalimutan na niya ang mga ipinangako niya sa mga Pinoy noong panahon ng kampanya. Panay bangayan ang nasa isip nila sa Kongreso samantalang ang mga mahihirap na Pinoy ay nag-alala kung may makain pa sila sa darating na mga araw, lalo na sa Disyembre. Ora de peligro na kasi pero wala pang linaw kung may maasahan ang kapwa natin Pinoy dito sa mga pulitiko natin.

Nagkalat kasi sa mga text messages nitong nagdaang mga araw na ito palang Senado natin ay may budget na P1.336 bilyon mula noong nakaraang taon hanggang ngayon. Pero apat na batas lang ang naipasa ng Senado at ang ibig sabihin ba nito P300 milyon ang kada bill na na-enacted into law? What a waste of people money! ’Yan ang laman ng text na sa tingin ng marami ay may katotohanan. Saan ginastos ng mga senador natin ang ganoong kalaking budget? Kaya kahit isang dekada pang magpataasan ng ere ang mga senador hindi sila magugutom pati kanilang pamilya, di ba mga suki? Wala na kaya sa isipan ni Drilon at mga kaalyado niya ang mga mahihirap sa ating bansa? At bakit panay ang mahihirap ang ibinabala nitong mga senador natin sa kanyon para matupad lang ang mga pangarap nilang maluklok sa pinakamataas na puwesto ng bansa? Hay naku!!!

Maraming katanungan na dapat maintindihan ng sambayanan para mahusgahan ang lahat ng may kasalanan sa hinaharap.

Abangan!

Show comments