Okey lang kung maging kaliwat kanan ang pag-iimbestigasyon ng ibat bang komite pero nararapat namang tingnan kung mayroong kalalabasan ang pag-iimbestiga at hindi nagiging venue na lamang ang Senado. Nakahihiya na inuubos nila ang oras at pera ng taumbayan sa paggisa sa mga witnesses pero wala naman palang maibibigay na matibay na resulta. Bungi-bungi ang mga revelation, may mga butas ang ginagawang pagsasalaysay. Wala naman maiharap na matibay na ebidensiya.
Maraming iniimbestigahan ang mga senador at sa pagiging abala marami namang batas ang nakaliligtaan nila.
Mahinang magpasa ng batas ang mga kagalang-galang na mga senators. Sa record, mula July 2004 hanggang June 2005, nasa 2,051 batas ang inihain subalit apat pa lamang dito ang kanilang naipapasa. Yes, apat pa lamang pero kung titingnan ang mga senador, marami na silang nagawa para sa mga naghalal sa kanila.
Marami ngang imbestigasyong isinagawa ang Senado subalit walang kinahantungan at nagsasa-yang ng pera mula sa tax ng taumbayan. Masyadong nang nakain ng mga imbestigasyon ang kanilang panahon. At ngayon may bago na namang imbestigasyong isinasagawa ang Senado. Tungkol sa walang kamatayang "Hello Garci" ang tinalakay ng senate defense and security committee. Ang "Hello Garci" controversy ang nagpayanig sa Arroyo administration at naging ugat para magkaroon ng impeachment complaint. Tumestigo si Marine Gen. Francisco Gudani sa Senado at sinabi ang nangyaring dayaan noong election 2004. Siya raw ang general na binanggit ni dating Comelec commissioner Virgilio Garcillano sa na-wiretapped na conversation. Nakita raw niya si FG Mike Arroyo na nagdeliber ng P500 milyon sa Mindanao. Marami pa siyang sinabi. Sinibak siya sa puwesto at nahaharap sa court martial.
Panibagong imbestigasyon na naman ang inokupahan ng Senado at tiyak na itatanong ng taumbayan kung mayroong mapapakinabang sa bagong imbestigasyong kanilang pinagkakaabalahan.