EDITORYAL Tapos na ang impeachment tapos din kaya ang jueteng?
September 9, 2005 | 12:00am
NATAPOS ang impeachment. Tinambakan ng "yes" votes para maibasura ang tatlong complaints kay President Arroyo. Binayaran man o hindi ang mga bumoto ng "yes" ang mahalaga ngayon ay wala nang aagaw sa atensiyon ng mga mambabatas at mahaharap na ang mga nakatambak na batas. Maaari nang gumalaw. Pati ibang problema ng bansa ay maaari nang tutukan at isa na riyan ang jueteng. Kung natapos ang impeachment, dapat matapos din ang jueteng?
Dahil sa kaabalahan sa impeachment, maraming lugar sa bansa ang patuloy sa operasyon ng jueteng. Pero sabi ng gobyerno, malulutas ang jueteng. Si Puerto Princesa City Mayor Edward Hagedorn ang inatasan ni Mrs. Arroyo na lumutas sa jueteng. Agad namang tinaningan ni Hagedorn ng hanggang September 15 na lang ang jueteng.
Pitong araw na lamang at matatapos na ang taning ni Hagedorn. At malaki ang aming paniniwala na masisira si Hagedorn sa pangako kay Mrs. Arroyo. Malabong mangyari na sa September 15 ay durog na ang jueteng. At lalo pang lumabo sapagkat may proposal umano si Hagedorn na ang ipalit sa jueteng ay ang Small Town Lottery (STL). Ano ba yan? Marami ang umaasa na durog na ang jueteng at makaaahon sa pagkagumon sa sugal na ito ang mahihirap. Hindi pa pala. Sugal din pala ang ipapalit sa jueteng. Pinaganda lang ang pangalan.
Ang STL ay unang inilunsad noong panahon ni dating President Cory Aquino para sugpuin ang jueteng. Pero walang nangyari sa STL. Hindi nito kayang pataubin ang jueteng. Ang pag-revive sa STL ay umusbong makaraang hindi umubra ang Bingo Combo na balak ng gobyerno. Itinanggi naman ng Philippine Amusement and Gaming Corp. (Pagcor) na iooperate nila ang Bingo Combo. Ayon sa report ang Bingo Combo ay ilulunsad ng gobyerno para pamalit sa jueteng. Pero madaling naamoy ang balak at nawalang parang bula.
Ang STL ang binabalak ni Hagedorn para ipampatay sa jueteng. Kung ganito ang mangyayari, wala palang lakas si Hagedorn para madurog ang jueteng. Nakapanlulumo na malaman yan. Nasaan na ang sinabi niya na madali lamang alisin ang jueteng at ito ay sa pamamagitan ng pakikipag-usap sa mga mayor ng bayan na malakas ang jueteng. Tiyak ni Hagedorn na ang mga mayor ang may kapangyarihan sa bayan kaya nakapagbobola ng jueteng. Ipauunawa raw sa mga mayor ang masamang dulot ng jueteng sa mga mahihirap. Sabi pa ni Hagedorn, kapag hindi nakuha sa pakiusap ang mga mayor, puwersa na ang kailangan.
Ayon pa rin kay Hagedorn, isang paraan din para mawala ang jueteng ay sa pamamagitan ng pagbibigay ng puhunan sa mga kubrador para makapagtayo ng negosyo at nang hindi na pasukin ang pagju-jueteng. Bibigyan din naman ng incentives ang mga pulis para hindi na magprotekta sa mga jueteng operators.
Bakit hindi ganito ang ginawa ni Hagedorn? Nasaan na ang kanyang tapang?
BrandSpace Articles
<
>
- Latest
- Trending
Trending
Latest



















