Wala kasing pakundangan ang paghahalibas at paghahatak ng mga sasakyan ng ilan nating mga kababayan na dumadayo para mamasyal o dili kayay may mahalagang nilalakad sa mga opisinang nasasakupan ng naturang administrasyon.
Samut sari na ang aking natatanggap na reklamo sa mga ito. Noong nakalipas na buwan lamang ay may lumapit sa aking isang pamilya at lumuluhang humihingi ng tulong na kung maaari ay samahan ko sila upang mabawi ang kanilang Tamaraw-FX na hinatak sa harapan ng Seaman Hospital na pansamantala nilang iniwanan na nakaparada para ihatid ang kaanak na may sakit.
Sa kabila ng kanilang pakiusap na mayroon silang pasyenteng dinala sa naturang hospital na buhat pa sa probinsiya ay hindi man lamang sila pinagbigyan at bagkus pagalit pa silang sinabihan na bayaran na lamang ang multang P1,500 upang mailabas na ito.
Hindi man lamang nila isinaalang-alang na ang mga kawawang pamilya ay may higit na pangangailangan upang maitustos sa isang kaanak na nakaratay sa naturang hospital. Sa halip na pambili ng gamot ang naturang halaga ay ipinagkait pa ng mga ito. Nasaan ang inyong konsensiya, lusaw na nga. He-he-he!
Noong Agusto 30, isang reporter naman ng pahayagang ito (Pilipino Star NGAYON) at Pang-Masa ang nabiktima. Si Gadmer Layson ay nagco-cover ng isang press briefiing na ipinatawag ni Department of Labor and Employment Usec. Danilo Cruz sa ika-pitong palapag ng naturang ahensiya. Bigla na lamang siyang tinawag ng security guard na ang kanyang sasakyan ay hinatak sa kabila ng mahinahong pakiusap nito.
At dahil hindi maiwan ni Mer Layson ang naturang komperensiya hinayaan na lamang niya ito at ng matapos ay agad naman siyang nagtungo sa impounding area upang makiusap na kung maari ay mabawi niya ang kanyang sasakyan. Subalit pabalang na sinabihan siyang bayaran na lamang nito ang multa upang wala nang problema.
Dahil kapos sa dalang pera si Mer agad itong nagtungo sa opisina ni Al Pedroche Editor-in-Chief ng PSN/PM na nagbigay ng naturang halaga. Laking tuwa ang nadama ni Mer Layson nang siya ay makautang at tiyak na matutubos ang kanyang sasakyan.
Matapos na makapagbayad ay agad namang lumabas sa impounding area si Mer Layson at nagmamadaling tumalilis upang gumawa ng istorya ukol sa press briefing ng DOLE, subalit nang makalabas ng gate ay napansin niyang biglang bumukas ang kanyang trunk at agad niyang tiningnan at doon niya nadiskubre na nawawala ang kanyang Panasonic Handy Video Cam na nagkakahalaga ng P40,000. Agad naman siya bumalik sa naturang opisina ngunit wala na roon ang mga tauhan ng Ron-Rons & Towing Services na pag-aari ni Babylyn Borja.
Kanya rin nakitang puwersahan sinira ang lock nito at maging ang kanyang hand break ay sira rin. At dahil malaking halaga ang nawala sa kanya agad na lamang siyang nagtungo sa himpilan ng pulisya at sinampahan ng reklamo sina Hector Reyes, Joseph Baliganio, Patricio Binaobao, Alberto Gomez at maging si Babylyn Borja.
Sa puntong ito tinatawagan ko si Mr. Domina- dor Ferrer, administrator ng Intramuros na gumawa ng hakbang laban sa mga kawatang towing services na binigyan niya ng permiso na mag-operate sa naturang lugar. Paano natin mahikayat ang mga turista na magtungo at mamasyal sa inyong WOW Philippines kung ang mga itoy salot sa proyekto. Sayang ang milyong salaping malilikom sa mga turista na napapadpad sa inyong proyekto kung magiging sanhi ito ng malaking kawalan sa kaban ng bayan.
Kumilos ka Mr. Ferrer sibakin mo ang naturang towing services na yan upang higit na yumabong ang proyektong pinamamahalaan mo. Abangan!