Katapatan

ISA sa mga naabuso ng modernong kapanahunan ay ang katapatan. Ang katapatan sa sarili, sa kapwa, sa bayan at sa Diyos. Paano naabuso ang katapatan?

Sa sarili na lamang, kapag inaakala natin na mas masarap magbisyo, tulad ng pag-inom ng alak, kahit na ibawal sapagkat tayo’y may sakit, mas gugustuhin pa natin ang uminom. Hindi tayo matapat sa kondisyon ng ating katawan. Sa pakikitungo naman sa kapwa, halimbawang tayo ay may kausap na tao sa isang itinakdang oras, kapag tayo’y nahuli sa oras ng usapan, ang sinisisi natin ay ang trapik. Hindi natin makuhang sabihin, "Pasensiya na dahil tinanghali ako ng gising." Sa bansa naman, hindi natin makuhang maging matapat sa pagbabayad ng tamang buwis. Ang katuwiran: "Ibinubulsa lamang naman ‘yan ng mga taga-gobyerno." At sa Diyos? "Nagsisimba naman ako tuwing Linggo; Okey na kung paminsan-paminsa ay mangurakot ako dala nang matinding pangangailangan."

Ang Ebanghelyo sa araw na ito ay tungkol sa katapatan ng pagmamahal sa asawa (Mt. 19:3-12).

May mga Pariseong lumapit sa kanya at tinangkang siluin siya sa pamamagitan ng tanong na ito: "Naaayon ba sa Kautusan na hiwalayan ng lalaki ang kanyang asawa sa kahit anong kadahilanan?" Sumagot si Jesus, "Hindi pa ba ninyo nababasa sa Kasulatan na sa panimula’y nilalang sila ng Maykapal, lalaki at babae? At sinabi, "Dahil dito, iiwan ng lalaki ang kanyang ama’t ina, at magsasama sila ng kanyang asawa; at sila’y magiging isa." Kaya’t hindi na sila dalawa kundi isa. Ang pinagsama ng Diyos ay huwag paghiwalayin ng tao." Tinanong siya ng mga Pariseo, "Bakit iniutos ni Moises na bigyan ng lalaki ang kanyang asawa ng kasulatan sa paghihiwalay bago hiwalayan iyon?" Sumagot si Jesus, "Dahil sa katigasan ng inyong ulo kaya ipinahintulot ni Moises na hiwalayan ninyo ang inyong asawa. Subalit hindi gayon sa pasimula. Kaya sinasabi ko sa inyo: Sinumang lalaking humiwalay sa kanyang asawa sa anumang dahilan liban sa pakikiapid, at mag-asawa ng iba, ay nangangalunya. At ang mag-asawa sa babaing hiniwalayan ay nangangalunya rin."

Sinabi ng mga alagad, "Kung ganyan po ang kalagayan ng lalaki sa kanyang asawa, mabuti pang huwag nang mag-asawa." Sumagot si Jesus, "Hindi lahat ay makatatanggap ng simulaing iyan kundi yaon lamang pinagkalooban ng Diyos. Sapagkat may iba’t ibang dahilan kung bakit may mga lalaking hindi makapag-asawa: ang ilan, dahil sa kanilang katutubong kalagayan; ang iba, dahil sa kagagawan ng ibang tao ay nagkagayon sila; mayroon namang hindi nag-asawa alang-alang sa ikauunlad ng paghahari ng Diyos. Ang makatatanggap ng simulaing ito ay tumanggap nito."


Bawat isa sa atin, at lahat tayo bilang mga tagasunod ni Jesus, ay tinatawagan at tinatagubilinan na maging matapat sa anumang kalagayan naroroon tayo – walang asawa, may-asawa, hiwalay, biyudo o biyuda.

Show comments