Ihahatid na si Yu ng kanyang yaya sa school dakong 6:45 ng umaga nang biglang sumulpot ang mga kalalakihang armado ng M16 rifles at nakasakay sa isang Hi-ace. Hinablot si Yu. Nakita naman ng mga guwardiya ng condo ang pangyayari at balak tulungan ang bata pero pinaulanan sila ng bala. Lima ang nasugatan sa insidente. Hanggang sa sinusulat ang editorial na ito, wala pang balita tungkol sa kinidnap na bata. Nangangapa pa rin naman ang Manila Police.
Hindi pa lutas ang kidnapping gaya nang sinabi ni Mrs. Arroyo. Hindi pa sila nababalian ng pakpak. Nang sabihin ni Mrs. Arroyo na ang kidnapping sa bansa ay bahagi na lamang ng nakalipas, marami ang napangiti nang mapakla sapagkat patuloy nga ang pangingidnap at maraming grupo pa ng kidnappers ang nagsulputan. Maski si Teresita Ang See, presidente ng Citizen Action Against Crime (CAAC) ay nagtaka sa sinabi ni Mrs. Arroyo sapagkat hindi naman bumaba ang insidente nang pangingidnap kundi tumaas pa. Ayon kay Ang See, mula June 17 hanggang July 18, 2005, pitong kidnapping cases ang nangyari. Apat sa kinidnap ang nagbayad umano ng P1-milyon ransom. Ang report ni Ang See tungkol sa pagtaas ng kidnapping cases sa bansa ay pinatotohanan naman ni Philippine National Police (PNP) chief Dir. Gen. Arturo Lomibao. Kaya nga marami ang napangiti nang mapakla nang sabihin ni Mrs. Arroyo na "the rash of kidnappings become a thing of the past "
Hindi nabibigyan ng update ang Presidente sa mga tunay na nangyayari sa paligid at dapat lamang na magising ang PNP sa kanilang pagkakahimbing. Hindi bumababa ang kidnapping at tumataas pa kaya dapat magpursige ang PNP kung paano madudurog ang kidnap-for ransom. Kawawa naman ang bansang ito na niyayanig ng krisis pulitikal ay niyayanig pa ng krimen. Sa pag-arangkada ng mga kidnappers, matatakot ang mga dayuhan na mag-invest sa bansa. Wakasan na ng gobyerno ang problemang kidnapping.