Hindi kasi maniwala ang oposisyon at iba pang mga kritiko ng administrasyon dahil isang araw ay hihiling ng reconciliation at pagsama sama ang administrasyon pero hindi pa nakakalipas ng araw ay aatake naman ang mga ulol na attack dog ni Madam Senyora Donya Gloria at aakusahan ang mga kritiko na mga destabilizers.
Susundan pa ito ng mga hirit na witness for hire raw ang mga nagbubulgar ng mga anomalya laban kay Madam Gloria kasama na itong pinakahuli na si Michael Angelo Zuce o mas kilala bilang si Louie Zuce.
Kesa kasi alamin ang katotohanan ay pilit na pagtatakpan at patatahimikin ang sinumang nagsasalita. Agad-agad ay hihirit ang mga taga-administrasyon na pawang kasinungalingan lamang ang mga whistle blower pero ang tanong sino kaya ang tunay na nagsisinungaling.
Bukod kasi sa paninira sa mga testigong direkta ngayong tinutukoy si Madam Gloria ay pilit na bubusalan o patitigilin ang anumang imbestigasyon para iligaw ang atensyon ng publiko.
Pinakamalaki kasing problema ay hindi tumalab ang diversionary tactic ng Malacañang na ilipat ang isyu sa Charter change mula sa jueteng at Hello Garci scandal.
Dahil sa paglutang nitong si Zuce ay balik ang isyu sa Hello Garci at jueteng. Sa madaling salita, finally nagkaroon ng reconciliation pero hindi ang administrasyon at ang oposisyon kung hindi ang jueteng at Hello Garci.
Lahat lahat ito ay dahil raw sa "kabutihang loob" nitong si Pampanga Board Member Lilia Pineda , may bahay ni Rodolfo "Bong" Pineda na sinasabing jueteng lord.
Paano naman ang kabutihan ni Lilia ayon kay Zuce ay ipamahagi ang perang galing sa jueteng sa mga opisyales ng Comelec sa pamumuno ni Commissioner Virgilio "Garci" Garcillano.
Bukod kasi sa mga envelopes na naglalaman ng kuwarta na pinamahagi raw sa mga Comelec opisyal ay pinambili rin ng 80 xerox machines ng mga Provincial Election Supervisors of PES at mga sasakyang Pajero na ginamit noong eleksyon ng 2004.
Katunayan nito, meron pa ngang hindi sinoling dalawang Pajero na hanggang ngayon ay ginagamit nitong dalawang Comelec opisyal na kapwa abogado at nabanggit sa Hello Garci tapes.
Sa darating na mga araw asahan ninyo na meron pang mga testigong lulutang na magpapatunay ng reconciliation ng jueteng at Hello Garci sa administrasyon ni Madam Gloria.
At least sa larangan ng jueteng at dayaan sa eleksyon nagkaroon ng pagkakaisa. Nagkaroon ng KASALAN sa pagitan nga lang ng JUETENG AT DAYAAN. Pero sino nga pala ang Ninong at Ninong, puwede sigurong Ninong si Garci at iba pang opisyal ng Comelec kasama na itong si Johnny Icaro at Ninang naman ay syempre si Madam Gloria at si Madam Lilia. Tiyak malaki ang pakimkim.
Noong nagbulgar kasi itong si Louie Zuce na malinaw na ngayon na tauhan ni Rufino ay sinabi nilang hindi man lang raw ginalang ni Louie ang dati niyang amo na malubhang malubha na raw ang kondisyon dahil sa sakit na kanser.
Dahil nga sa kondisyon ni Rufino ay walang media na pumunta sa hospital upang sikaping kunin ang kanyang panig. Ang ginawang ito ng media ay isang paggalang dahil kritikal nga naman daw ang kondisyon ni Rufino ayon sa pumalit sa kanya na si Gabriel Claudio.
Pero mga taga Malacañang pa pala ang hindi man lang pinalampas ang bed ridden na si Rufino ay ayon sa ating source ay nagpapunta pa ng tao sa ospital upang kunin ang lagda ng dating kalihim sa isang statement na pinabubulaanan ang mga sinasabi ni Zuce.
Obvious nga lang sa ginawa nila na para lang sa politika ay wala silang patawad kahit kakampi nila at handa silang gamitin. Balita kasi natin ay galit ang pamilya ni Rufino at maraming sektor naman ang nagdududa kung totoo bang statement ito ng dating kalihim o hindi. After all, sino ba ang ubrang mag-verify lalo nat nasa critical na condition itong dating Malacañang official.
Magpatawad naman kayo, kung sa inyo kaya gawin yan habang kayo ang nasa bingit ng alanganin matutuwa kaya kayo. Tandaan niyo, kakarmahin kayo sa mga masasama nyong gawain.