Kung hindi na-update ang Presidente sa kidnapping incidents, maaaring ganyan din ang nangyari nang sabihin niya sa SONA na 30,000 classrooms na ang naipagawa ng kanyang administrasyon sa loob ng apat na taong panunungkulan. Kung totoo ang sinabi niyang 30,000 silid aralan, bakit tuwing opening ng klase ay problema kung saan magkaklase ang mga estudyante sa public school. Kung maraming classrooms, bakit may mga nagkaklase sa lobby at ang matindi may mga nagkaklase pa rin sa lilim ng punongkahoy. Kung may 30,000 classrooms, bakit may mga estudyante pa ring naghihintay sa labas ng isang classrooms para sila naman ang humaliling magklase roon.
Sabi pa rin ni Mrs. Arroyo, marami na rin daw mahuhusay at trained teachers sa mga public schools. Ang mga ito raw ang nagtuturo sa mga estudyante sa epektibong pamamaraan. Ang nakapagtataka lamang ay kung bakit patuloy pa ring nangungulelat ang mga estudyante lalo na sa larangan ng English, Science at Math. Noong nakaraang taon, maraming grade six students ang bumagsak sa ibinigay na pagsusulit para makapasok sa high school. Ito ang dahilan kaya naisip ng Department of Education ang bridge program. Marami rin namang estudyanteng nagtapos ng high school ang bopol sa English, Science at Math.
Mahirap paniwalaan na may mga mahuhusay na teachers pang nasa public school sapagkat wala ngang mai-produce na mga mahuhusay na estudyante sa kasalukuyan. Karamihan sa mga mahuhusay na teachers ay nagsipag-aborad na para magpaalila. Karamihan sa kanila ay nasa Hong Kong, Italy at Singapore. Mas malaki ang kanilang kinikita roon kaysa magturo rito na kailangan pang magtinda ng tocino para madagdagan ang kita.
Maraming nakitang "butas" sa SONA at nakapagtatakang Cha-cha pa ang iuuna.