Nagkalat na naman ang mga pekeng gamot

BALIK na naman sa merkado ang mga pekeng gamot. Ito ’yung mga vitamins, antibiotics at iba pang uring medisina na nauna ng tinarbaho ng BITAG at NBI-NCR matapos mahulog sa aming pinagsanib na patibong ang itinuturong utak nito na si Peter Guevarra.

Karamihan sa mga gamot na ito, imported, bibihirang makita sa ilang malalaking drug stores at karaniwang mataas ang presyo. Pero dahil peke, mabibili lamang ito sa murang halaga.

Mabenta dahil mura, pero ’di garantisado ang epekto ng mg gamot na ito. Umaasa rito ang ilan sa atin dahil na rin sa kahirapan.

Pangkaraniwang gawgaw, asukal at fruit juice ang sangkap ng mga ibinibentang gamot na ito. Walang pagkakataong malaman ang pagkakaiba sa orihinal dahil parehong materyales ang ginagamit dito.

Kaya’t bago pa man malaman ang pagkakaiba, sa pag-asang gagaling sila, nainom na ng mga pobreng pasyente ang pekeng gamot.

May impormasyong nakalap ang BITAG na mga galamay at kamag-anakan daw ni Peter Guevarra ang nasa likod ng mga pekeng gamot na ito na ikinakalat sa mga malalayong probinsiya kung saan mga health center at community clinic ang binabagsakan.

Ang resulta, balik sa mga mahihirap nating mga kababayan sa probinsiya ang kalbaryo.

Kung tutuusin, napakadali lamang para sa BITAG at sa mga kinauukulan na muling mabitag ang mga personalidad sa likod ng pagpapakalat ng mga pekeng gamot. Ang problema, masyadong mababa ang ipinapataw na parusa sa sinumang mahuhuling sangkot dito.

Dumadami man ang tulad ni Peter Guevarra, tiyak na muli silang makakalaya dahil na rin sa babaw ng parusa dahil hanggang anim na taong pagkakakulong lamang ang maaaring ipataw sa sinu- mang sangkot sa pamemeke ng gamot.

Gaano man katindi ang kampanya ng ating pamahalaan laban sa pagkalat ng mga pekeng gamot at gaano man kaingat ang ilan sa atin upang huwag mabiktima, patuloy pa ring kakalat ang mga ito dahil na rin sa butas ng batas.
* * *
Hotline numbers, i-text (0918) 9346417 o tumawag sa mga numerong ito 932-8919/932-5310. Panoorin Bahala si TULFO, 9:00-10:30 a.m. UNTV 37, 9:00-10:00 a.m. DZME 1530 khz.

Show comments