Sa pagkakataong ito, bumawi ang NBI sa kasama nilang grupo na mula pa sa isang higanteng network. Agad dinampot at kinasuhan ng white slavery ng NBI Anti-fraud si Benj.
Pero matatandaan ang kapalpakan ng NBI-NCR sa nauna naming operasyon laban kay Benj, kung saan gumawa sila ng sariling diskarte na kaiba sa aming napag-usapan...
At upang mawala at mamatay agad ang isyu, nagpalabas ng press con ang NBI-NCR. Dito, ayon sa ilang kasamahan natin sa industriyang dumalo, sinabi diumano ng ilang mga operatiba ng NBI na umaastang pulis daw ang BITAG at nagmamarunong sa kanilang trabaho.
Hindi na bago sa BITAG ang ganitong mga uring operasyon kung saan nakasama na rin namin ang NBI. Matatandaan, ilan sa matatagumpay naming operasyon ay NBI-NCR ang aming nakasama tulad ng pagkahuli sa utak ng numero unong sindikato ng pekeng gamot na si Peter Guevarra maging ang ipinagbabawal na Vannamei sa Pangasinan...
Iba-ibang law enforcement unit din tulad ng CIDG, TMG at local police groups ang aming nakakasama sa pagsugpo ng ilang sindikato.
May mga pagkakataon nasusunog ang aming operasyon dahil sa ilang hindi maiiwasang pangyayari. Pero wala pang tulad ng nangyari sa sting operation ng NBI-NCR...
Hindi maisisisi sa BITAG ang pagkakamali dahil hindi kami nagkulang sa pakikipag-ugnayan sa NBI-NCR. Alam ito ni Atty. Ed Arugay at Ross Bautista.
Estilo namin sa BITAG ang makipag-ugnayan sa aming ka-trabahong ahensya hanggang sa pinakamaliit na detalye.
Napapaisip tuloy kami kung saan ba talaga ang problema? Kung hindi sa mga nasa itaas, malamang yung mga matitigas ang ulong mga ahente ang may problema.
Hindi ito ang huling pagkakataong makikipag-ugnayan kami sa National Bureau of Investigation...Marami pang mga sindikato ang nakapila sa aming mahabang listahan upang trabahuhin. Hindi nag-iisa si Benjamine Quinto, dahil marami pang iba...
Para sa mga matitigas ang ulong mga ahente ng NBI na may sariling diskarte at hindi marunong sumunod sa napag-usapan at napagplanuhan, trabaho lamang to, walang personalan. Hindi estilo ng BITAG ang umako sa kapalpakan ng iba.