Ang kasangga

Ang pitak na ito’y lagi nang kasangga
Ng mga mahirap o kaya’y ng masa;
Ngunit ang kasangga kung umabuso na
Kinakalos na rin sa napunong tasa!

Tulad halimbawa ng mga kapatid
Na laging kasama’y mga anak-pawis;
Sa mga lansanga’y laging namamasid
Lalo na’t may rally sa pali-paligid!

Sila’y naaakit sa mga salita
Ng mga pinunong may makating-dila
Sinusunod nila’y masamang pithaya
Kung kaya sa huli’y sila ang kawawa!

Sana naman sana kung nagkakagulo
Sa loob ng bansa kayo ay matino;
Hindi nakukuha sa kant’yaw at biro
Ng mga naglider na puro pangako!

Kung ang bansa natin ay bumabagsak na
At ang pera natin ay perang Hapon na -—
Kayo ay kumilos sa tamang adhika
At huwag nang hilahing pababa ang bansa!

Alam nating lahat na tayo’y hikahos
Pagka’t mga lider ay padalus-dalos;
At kasabay nito’y biglang sumasabog
Away pulitika na nakayayamot!

Sa sitwasyong ito’y lagi nang kabilang
Mga kaguluhan sa maraming lugar;
Masasamang panig siyang sinasakyan
Ng mga kasanggang walang kabuhayan!

Kaya dapat sana sa mga kasangga
Na katulad ko ring nabaon sa dusa;
Kayo ay lumagay sa lugar na tama
At huwag padala sa masamang gawa!

Show comments