^

PSN Opinyon

EDITORYAL - Ubusin na ang Sayyaf!

-
NATATANDAAN ninyo pa ba sina Fr. Ruben Gallardo, Guillermo Sobero at Editha Lumame? Sila ay ilan lamang sa maraming biktima ng mga teroristang Abu Sayyaf. Si Fr. Gallardo ay binihag sa Basilan at bago pinatay ay pinahirapan muna sa pamamagitan ng pagbunot sa kanyang mga kuko. Si Sobero ay isang Amerikano at binihag sa Dos Palmas beach resort sa Palawan. Kasamahan siya ng mag-asawang Martin at Gracia Burnham na binihag din ng mga terorista. Pinugutan ng ulo si Sobero. Si Editha ay isang elementary teacher. Malupit ang ginawang pagpatay sa kaawa-awang babae. Nilaslas muna ang kanyang mga suso bago pinatay. Bukod sa tatlo, dalawang lalaking guro pa ang pinugutan ng ulo at saka ikinalat sa isang palengke sa Lamitan.

Marami na ang naiinip kung kailan mapupulbos ang Abu Sayyaf. Sa kabila na napatay na ang mga kilalang lider ng grupo na kinabibilangan nina Abu Sabaya, Kumander Robot at Kumander Global, nananatili pa ring buhay ang grupo. Noong nakaraang February 14, 2005 (Valentine’s Day) ang huling pagsalakay ng mga Abu Sayyaf. Tinaniman nila ng bomba ang isang pampasaherong bus na bumibiyahe sa EDSA. Apat ang namatay at marami ang nasugatan dahil sa pambobomba. Noong April 2004, tinaniman din nila ng bomba ang SuperFerry 14 at mahigit 100 katao ang namatay at marami rin ang nasugatan. Hanggang sa kasalukuyan marami pa ring biktima ang hindi nakilala ng kanilang mga kamag-anak dahil sa pagkasunog. Marami pa rin ang hindi nakikita. Sila rin ang itinuturong nambomba sa Davao International Airport sa Sasa Wharf noong 2003 kung saan maraming sibilyan ang namatay. Sila ang kumidnap sa 22 turista sa Sipadan, Malaysia at saka ipinatubos nila ng milyong dolyar.

Malaking hamon kay Armed Forces of the Philippines (AFP) chief of staff Gen. Efren Abu ang pagdurog sa mga terorista. Maraming beses nang nagpalit ng AFP chief subalit hindi nakayang lipulin ang Abu Sayyaf na ngayo’y pinamumunuan ni Khadaffy Janjalani. Wala pang 1,000 ang miyembro ng Abu Sayyaf. Isinuka na rin sila ng Moro Islamic Liberation Front (MILF). Hindi na raw maaaring makatapak sa kanilang nasasakupang lugar sa Mindano ang mga Abu Sayyaf.

Nararapat nang tapusin ang kasamaan. Maaaring naghihintay lamang ng pagkakataon ang grupo at sasalakay na naman. Hindi na sila dapat bigyan ng pagkakataon.

Pulbusin na ang teroristang grupo para magkaroon ng katahimikan sa maraming bahagi ng Mindanao.

vuukle comment

ABU

ABU SABAYA

ABU SAYYAF

ARMED FORCES OF THE PHILIPPINES

DAVAO INTERNATIONAL AIRPORT

DOS PALMAS

EDITHA LUMAME

EFREN ABU

SILA

  • Latest
  • Trending
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with