Estudyanteng hindi pinakuha ng exams

FIRST year computer science si Rina sa PCST. Noong February 2002, nag-fund raising sa eskuwela nila upang gumawa ng tennis at volleyball court kung saan pinagbayad ang bawat estudyante ng P200 para sa dalawang tiket sa kanilang dance party. Sinabi ng titser nila na ang hindi kukuha ng tiket ay hindi makakakuha ng final exams. Si Ms. Gomez na titser nila sa logic ay nangako pa ng dagdag na puntos sa grado ng test ng lahat na bumili ng ticket.

Sanhi ng kahirapan at pagbabawal ng kanilang relihiyon, hindi bumili ng ticket si Rina. Kaya noong examination sa subject na logic at statistics, hindi siya pinakuha ng test kahit ano pa ang pagsusumamo niya.

Dahil dito, dinemanda ni Rina ang dalawang titser at ang PCST upang makakuha ng bayad pinsala. Ayon kay Rina hindi raw makatao ang ginawa ng mga ito na hindi siya pakunin ng final test. Hiniling naman ng dalawang titser at ng PCST na pawalang saysay ang demanda ni Rina. Wala raw batayan ang aksyon niya dahil may karapatan naman daw ang eskwela mag-fund raising para sa facility nito. Tama ba ang school at mga titser?

MALI.
Dalawa ang batayan ng aksyon ni Rina: Ang paglabag ng kontrata sa pagitan niya at ng school at paglabag sa kanyang karapatang pantao. May relasyong kontrakwal ang school at estudyante. Obligasyon ng estudyante na magbayad ng matrikula at sumunod sa mga patakaran at regulasyon ng school.

Katungkulan naman ng school na bigyan ang estudyante ng sapat na karunungan at disiplina upang makatapos ng kurso. Ang kontrata ay nagsisimula pag-enrol ng estudyante at pagbayad nila ng matrikula at iba pang butaw na dapat bayaran. Pagkabayad ng mga ito hindi na maaari sumingil pa ng ibang kabayaran ang school. Sa kasong ito, ang karagdagang salaping sinisingil sa fund raising ay pagkaraan ng enrolment at hindi kasama sa mga dapat bayaran ng estudyante nung siya ay nag-enrol. Kaya hindi ito maaaring ipataw sa estudyante.

May batayan din ang reklamo ni Rina tungkol sa hindi makatao at malupit na pagtrato sa kanya noong hindi siya pinakuha ng test dahil lang hindi siya nagbayad ng tiket dahil ng kanyang kahirapan at pagbabawal ng kanilang relihiyon.

May batayan ang aksyon ni Rina kaya hindi ito dapat pawalang saysay (Re-gino vs. Pangasinan colleges etc., et. Al. November 18, 2004).

Show comments