Pero mauulit din pala iyon. Marami rin ngayon ang humihingi ng pagbibitiw ni Mrs. Arroyo sa puwesto dahil sa na-wiretapped conversation nila ni Comelec commissioner Virgilio Garcillano na may kinalaman sa pagdaya sa boto noong 2004 elections. Kabilang sa mga humiling kay Mrs. Arroyo na magbitiw na sa puwesto ay si dating President Cory Aquino. Magsakripisyo para sa bansa. Walang pinakamabuting paraan kundi ang magbitiw.
Bago pa ang kahilingan ni Cory, nagpahayag na rin ng paninindigan ang maraming sector na magbitiw na si Mrs. Arroyo kabilang ang mga edukador, mga Obispo at marami pang iba. Maging si Sen. Franklin Drilon na isa sa mga kaalyado ni Mrs. Arroyo ay humiling na rin na magbitiw ang Presidente.
At wala na ngang magagawa pa si Mrs. Arroyo kundi ang piliing magsakripisyo. Tama si Cory, kailangang magsakripisyo para sa ikabubuti ng bansa. Siyam na miyembro na ng Cabinet ni Arroyo ang nagbitiw sa puwesto at kabilang diyan ang mga kadikit niyang sina Budget Sec. Emilia Boncodin at Social Welfare Sec. Dinky Soliman at Foreign Affairs Sec. Alberto Romulo. Mula pa nang maupo si Arroyo noong 2001 ay kasama na niya ang mga nabanggit. Anot humiwalay na sila sa Presidente at hiniling na magbitiw na sa puwesto.
May masamang nangyayari sa pamumuno ni Arroyo. Hindi lamang ang baho ng "Gloriagate" ang naamoy kundi mas may malalim pa. Hindi lamang ang pagkakasangkot ng asawa, anak, at bayaw ang naamoy kundi mas may mabaho pa. Hindi na maganda ang nangyayari kaya nag-iba na sila ng landas.
Magsakripisyo na! Ito na ang nararapat. Kawawa naman ang bansa kung patuloy na mayayanig ng mga kaguluhan. Lalong pupulutin sa kangkungan ang mga kawawang Pinoy na marami na ang nasisira ang ulo dahil sa nararanasang gutom. Ialay ang sarili para umusad ang bansa. Maawa sa bansang sadlak sa hirap.