Kalupitan at pang-aabuso sa warehouse ng asukal, hulog sa BITAG

MASIGASIG ang naging kampanya ng BITAG at ng Philippine National Police (PNP) partikular ang Security Agency and Guard Supervision Division (SAGSD) laban sa mga naglipanang fixers sa labas ng Camp Crame, at maging ang mga bogus na security guards.

Kamakailan, isa na namang guwardiya ang nahulog sa BITAG ng aming camera dahil sa kabastusan at kawalan nito ng kaukulang papeles.

Aksidente lamang ang pagkakadiskubre ng aming grupo sa "astig" na guwardiyang ito, dahil na rin sa kanyang "mala-among" pag-aasta.

Bukod sa pagiging peke ng security guard license na pilit na itinatago sa BITAG ng tigasing guwardiyang ito, nakuha rin mula sa kanya ang paltik na kalibre .38 na hindi naman naka-isyu at lalong hindi pag-aari ng agency.

Hindi tuloy matukoy ng BITAG kung talagang guwardiya nga o private army ang kolokoy na ito.

Kung susundan ang sumbong ng mga trabahador na tumakas mula sa G-Spring warehouse na pag-aari ni Victor Chua, maaaring sabihing private army nga ang kolokoy na bogus na guwardiyang ito.

Ugali raw ng guwardiya ng G-Spring ang habulin at barilin ang sino mang trabahador na tatakas mula sa warehouse.

Bukod dito, promoter pa raw sa panggugulpi ng mga probinsyanong trabahador ang guwardiyang ito.

Hindi naman nakalusot ang kanyang bulok na estilo dahil hawak na ngayon ng San Jose del Monte police ang kanyang kaso.

Panoorin ang kabuuang detalye at ang ginawang pagkompronta ng BITAG sa inireklamong nagmamay-ari ng G-Spring warehouse na si Victor Chua ngayong Sabado sa BITAG.
* * *
Hotline numbers para sa mga tips o anumang uring katiwalian, i-text (0918) 9346417 o tumawag sa mga numerong ito 932-8919 / 932-5310. Bahala si Tulfo sa UNTV 37 at DZME 1530 mula Lunes hanggang Biyernes, 9-10:30 a.m.

Show comments