Maraming tawag at text messages ang natanggap ng BITAG hinggil sa modus na pagpapalit ng pera sa mga money changer sa parteng Maynila.
Ito ang grupong tinatawag na "Pitik o Ipit Gang", istilo ng grupong ito na lokohin ang mga taong nagpapapalit sa kanilang money changer.
Sa una ay maayos ang pag-aasikaso ng mga teller ng nasabing money changer, ngunit kapag nagpalitan na ng dolyar doon na malalaman ang kanilang panloloko.
Bibilangin muna ng teller sa iyong harapan ang pera para iyong makita na tama ang halaga na kanilang ipinalit, iaabot at ipapabilang din sayo ang nasabing pera.
Pagkatapos mo mabilang ang pera ay kukunin muli ng teller para isilid kuno sa sobre, at di mo mamalayan na binawasan pala ng teller ang iyong pera.
Sa pagkakataong madiskubre ng kawawang biktima ang kanilang ginawang pangloloko ay pilit nila itong itatanggi at tataasan ka pa ng boses upang sindakin.
Wala ka nang magagawa kundi tanggapin ang kulang-kulang na halaga ng salapi na pinapalit sa money changer na pag-aari ng mga manggagantso.
Kung iyong pag-aaralan simple at napakabilis ng mudos na ito, hindi mo man lang malalaman na kulang na ang iyong pera.
Hindi naiiba sa ibang mudos na tinarbaho na ng BITAG ang kanilang tanging puhunan ay kakapalan ng mukha.
Likas na matalino ang ating lahi, maganda sana ito kung nagagamit sa tamang paraan at hindi sa panggugulang ng kapwa.
Sa mga nagpapatakbo ng mga money changer sa Maynila magtrabaho kayo ng patas huwag nyong samantalahin ang inyong kapwa na nagpakahirap magtrabaho sa ibang bansa para makaipon lamang ng pera.
Baguhin ninyo ang mga nakatuwad na kukote, huwag nang hintayin na ang BITAG pa ang tumapyas sa mga makakapal ninyong mukha.