Mas mahalagang malaman ng taumbayan ang tungkol sa jueteng scandal kaysa sa dalawang compact discs nang umanoy pag-uusap ni President Arroyo at Comelec Commissioner Virgilio Garcellano. Pinag-uusapan sa tape conversation ang tungkol sa pagmamanipula ng boto laban kay Fernando Poe Jr. Sabi ng Malacañang biktima ng wiretapping ang Presidente at ginawa ito para malagay sa masamang kalagayan. Para raw ma-destabilize ang gobyerno.
Habang naglalabasan ang kung anu-anong problema sa gitna ng kontrobersiya sa jueteng scandal na sangkot ang First Family, umuugong naman ang tungkol sa kudeta. Ayon sa intelligence source, may mga bagong grupo na naghahangad pabagsakin ang gobyerno. Ganoon man, sinabi ng Malacañang na maliit na grupo lamang ito.
Sa mga nangyayaring ito, walang ibang naiipit kundi ang mahihirap na mamamayan. Kung hindi nabulgar ang jueteng payola, mas mapagtutuunan sana ng Senado ang iba pang mahahalagang bagay na makapagbibigay ng kaunlaran sa mamamayan. Pero hindi ganito ang nangyayari ngayon sapagkat naaagaw na naman ng jueteng ang panahon ng mga mambabatas.
Ganoon pa man, walang magandang magagawa kundi laliman pa ang imbestigasyon sa jueteng at nang malaman ng taumbayan ang buong katotohanan. Hindi dapat tumigil sa pagkakataong ito na lumulutang na ang mga saksi na nagpapatotoo sa kabulukan ng mga taong kasangkot. Hayaang gumulong ang kanilang ulo.