Ilang matatagumpay na operasyon na rin ang naisagawa ng BITAG laban sa ilang mga sasakyang pang-gobyernong ginagamit sa pagbubulakbol at personal na kapritso ng ilang kawani ng gobyerno. Tinawag namin itong operation red plate...
Nitong nakaraang Miyerkules, sa muli naming pagsuyod sa ilang kilalang KTV bar at restaurant sa Quezon City, agad natawag ang aming pansin ng isang Tamaraw FX na may tatak, for offical use only, may pulang plaka at nakaparada sa harap ng isang kilalang comedy bar.
Ng aming sitahin, nalaman namin na taga-Bureau of Internal Revenue (BIR) pala ang mga sakay nito.
Naging palaisipan sa amin kung anong ginagawa ng mga taga-BIR sa ganitong lugar sa dis-oras ng gabi...
Nagulat ang BITAG ng lumapit sa amin ang mga kawani ng BIR na naka-uniporme pa at may dalang mission order. Nagsasagawa daw ang BIR ng inspection sa mga bar at restaurant sa Quezon City.
Tinututukan at masusing tinitingnan daw nila kung tugma ang kinikita ng ilang mga establisyimento sa kanilang binabayarang buwis
Kaya naman pala biglaan ang paglaki ng tax collection nitong nakaraang buwan, dahil na rin sa puspusan at seryosong kampanya ng BIR.
Kung magpapatuloy, isa ang proyektong ito sa pinakamatagumpay na proyekto ng pamahalaan na nakita namin. Natitiyak namin, seryoso ang BIR sa kampanyang ito.
Kung puspusan at tutukan ang ginagawang pag-a-audit ng BIR sa mga KTV bar at restaurant sa Quezon City, seryoso rin ang BITAG sa pagsasagawa ng sarili naming auditing ng mga sasakyang pang-gobyerno na ginagamit sa personal na kapritso ng ilang tiwaling empleyado.
Sakaling may maaktuhan muli ang BITAG, hindi kami magdadalawang isip na ipaalam sa mga ito kung ano ang tama.