Tungkulin ng pastol

MABABASA sa Ebanghelyo ngayon (Jn. 21:15-19) na kinakausap ni Jesus si Pedro at pinagbibilinan hinggil sa pangangalaga at pagpapakain ng kanyang mga tupa

Pagkakain nila, tinanong ni Jesus si Simon Pedro, "Simon, anak ni Juan, iniibig mo ba ako nang higit kaysa mga ito?" Opo, Panginoon, nalalaman ninyong iniibig ko kayo," tugon niya. Sinabi sa kanya ni Jesús, "Pakanin mo ang aking mga batang tupa." Muli siyang tinanong ni Jesus, "Simon, anak ni Juan, iniibig mo ba ako?" Sumagot si Pedro, "Opo, Panginoon, nalalaman ninyong iniibig ko kayo." Ani Jesus, "Pangalagaan mo ang aking mga tupa." Pangatlong ulit na tinanong siya ni Jesus, "Simon, anak ni Juan, iniibig mo ba ako?" Nalungkot si Pedro sapagkat sa pangatlong tanong: "Iniibig mo ba ako?" At sumagot siya, "Panginoon, nalalaman po ninyo ang lahat ng bagay; nalalaman ninyong iniibig ko kayo." Sinabi sa kanya niu Jesus, Pakanin mo ang aking mga tupa. Tandaan mo: Noong kabataan mo pa, ikaw ang nagbibihis sa iyong sarili at lumalakad ka kung saan mo ibig. Ngunit pagtanda mo, iuunat mo ang iyong kamay at iba ang magbibihis sa iyo at dadalhin ka kung saan hindi mo ibig." (Sinabi niya ito upang ipakilala kung paano mamamatay si Pedro at sa gayo’y maparangalan niya ang Diyos.) Pagkatapos, sinabi sa kanya ni Jesus, "Sumunod ka sa akin!"


Ang tagubilinang ito ni Jesus kay Pedro ay para rin sa mga Pastol ng Simbahan — ang mga Obispo; at sa antas ng pamayanan, ito rin ay para sa mga kaparian na mga kura-paroko ng kanilang parokya o kaya’y mga nangangasiwa ng mga samahan ng mga laiko. At sa pagsunod ni Pedro kay Jesus, kanyang ipalalaganap kung paano siya pinatawad ni Jesús sa kanyang pagtatatwa at sa ganoon ay magbibigay-saksi sa pagmamahal ng Diyos sa sangkatuhan.

Ngayon ay kapistahan din ng Mahal na Birhen ng Fatima. Ang Ina ng Diyos, si Maria, ay napakita sa tatlong bata sa Fatima, Portugal noong 1917, upang ipamalas sa tao ang pagmamahal ng Diyos at hingin sa mga tao na magbalik-loob sa Diyos sa pamamagitan ng pagsisisi sa mga kasalanan, pagdarasal at paggawa ng kabutihan sa kapwa. Ang Birhen ng Fatima ang siya ring nagbigay ng mga babala tungkol sa mga pangyayari sa mundo tulad ng World War II at mga kalamidad sa iba’t ibang panig ng daigdig.

Iisa ang mensahe ng Ebanghelyo at ng Birhen ng Fatima: Ang dakilang pagmamahal ng Diyos sa sangkatauhan. Sa kabila nito, alam natin na hindi lahat ay kumikilala sa pagmamahal na ito ng Diyos. Kaya’t upang tayo’y maging marapat na tagasunod ni Jesus, kailangan nating pagsisihan ang ating mga pagkakasala o pagkakamali, mahalin ang ating kapwa at gumawa ng mga kabutihan. At pagyamanin ang mga ganitong gawain sa patuloy na pagdarasal.

Show comments