Sila yung mga batugan na walang inatupag kundi magpasasa sa kinikita ng mga pobreng bus conductors at drivers na bumibiyahe patungong Cavite.
Pangalawang beses nang nahulog sa BITAG sa tulong ng CIDG-NCR ang mga masisibang grupong Maranao sa Baclaran. Ang siste, pinauuwi lamang ng kanilang mga lider pabalik ng Lanao ang mga batugang grupo ng Maranao na aming nahuhuli kaya tuloy ang kotongan sa Baclaran dahil ibang grupo naman ang pumapalit sa grupong aming nasakote noon.
Nalaman din ng BITAG na sa gabi na raw nagsasagawa ng pangongotong ang grupo ng Maranao. Talagang iniiwasan ang BITAG.
Nagawa na namin noon. Nagawa rin naming muli noong nakaraang Huwebes. At hindi kami mag-aatubiling balik-balikan ang Baclaran.
Isa ring sindikatong nagbabalik sirkulasyon ang grupo ni Peter Guevarra na nagpapakalat ng mga pekeng gamot at minsan nang nahuli ng BITAG at NBI-NCR sa Pampanga.
Tulad nang dati, naglipana na naman ang mga bogus na medical representatives ni Peter Guevarra. Sa pagkakataong ito, maging ang kapatid ni Peter at asawa niya ay sangkot na sa pagpapakalat ng mga pekeng gamot.
Umaabot na raw sa probinsiya ng Quezon at Bicol ang sirkulasyon ng grupo ni Guevarra.
Talagang walang kadala-dala si Peter. Nakalimutan na yatang halos sumiksik siya sa baro ng kanyang nanay nang masakote ng NBI-NCR at BITAG noong huli kaming magkita.
Makinig ka Peter, may alas kaming hawak na siguradong ikabibitag mo. Umpisahan mo nang tumakbo at magtago. Dahil kahit saan ka magsuot, hinding-hindi ka makakatakas sa patibong na aming ihahanda para sa iyo.