Pagtitiwala sa Diyos

SA araw na ito, ang pagbasa mula sa Unang Sulat ni San Pedro (1Pedro2:4-9) ay nagbibigay ng atas sa atin na bilang mga hinirang ng Diyos (dahil sa ating pagkabinyag), tayo ay dapat lumapit sa Diyos at ilagay ang buong pagtitiwala sa Kanya.

"Lumapit kayo sa kanya, sa batong buhay na itinakwil ng mga tao, ngunit hinirang ng Diyos at mahalaga sa kanyang paningin. Wari’y mga batong buhay, maging sangkap kayo ng isang templong espiritual. At bilang mga saserdoteng nakatalaga sa Diyos, maghandog kayo sa kanya ng mga haing espiritwal na kalugud-lugod sa Diyos dahil kay Jesus. Sapagkat sinasabi ng Kasulatan, "Masdan ninyo, itinayo ko sa Sion ang isang batong panulukan, hinirang at mahalaga; hindi mabibigo ang sinumang nananalig sa kanya." Kaya nga, mahalaga siya sa inyong may pananalig. Ngunit sa walang pananalig, matutupad ang nasa Kasulatan: "Ang batong itinakwil ng mga tagapagtayo ay siyang naging batong panulukan," at "Naging batong katitisuran ng mga tao." Natisod sila sapagkat hindi sila sumusunod sa salita ng Diyos; ito ang itinalaga sa kanila.

"Datapwat kayo ay isang lahing hinirang, mga saserdote ng Hari, isang bansang nakatalaga sa Diyos. Pinili kayo ng Diyos upang maging kanya at maghayag ng mga kahanga-hangang gawa niya. Siya rin ang tumawag sa inyo mula sa kadiliman tungo sa kanyang kagila-gilalas na kaliwanagan."


Kung tayo’y nagtitiwala sa Diyos at kay Jesus, una sa lahat ay inaasahan tayo na mamuhay ayon sa paraan, katotohanan at buhay ng Diyos: May pagmamahal, may katarungan, may pagpapatawad sa kapwa. Gayundin, tayo’y inaasahan na ating ipapahayag ang mga kahanga-hangang bagay na ginagawa para sa atin ng Diyos — ang mga biyayang ating natatanggap sa araw-araw, maliit man o malaki. At higit sa lahat ay may pagpapasalamat sa kagandahang-loob ng Diyos na humango at tumubos sa atin sa kadiliman ng kasalanan at kamatayan tungo sa isang buhay na walang hanggan.

Nawa’y patuloy nating pagyamanin ang ating buhay-espiritwal na nakasandig sa panulukang-bato: Si Jesus.

Show comments