Kung patuloy ang operation ng video karera sa bayan ni Alarilla, ganun na rin sa bayan ni Mayor Pepe Buencamino ng San Miguel. Kung sa Meycauayan, nagsara ng ilang araw ang ilegal na negosyo nina Randy Sy at Buboy Go, aba sa San Miguel patuloy ang operation nito kahit nakakumpiska ng 15 makina ang DILG at CIDG doon. Ang ibig sabihin nito, talagang mas matikas si Buencamino kaysa kay Alarilla kung video karera ang pag-uusapan, di ba mga suki? Eh kung hindi natatakot itong sina Alarilla at Buencamino sa pananakot ni DILG Sec. Angelo Reyes na kaparusahan kapag hindi sila kumilos laban sa illegal gambling, kanino na lang dudulog ang taga-Bulacan? Ang akala kasi ng mga residente sa Bulacan, medyo may linaw na ang kinabukasan ng mga kabataan sa kanila, lalo na ang mga estudyante, dahil nagsara nga ng ilang araw ang makina nina Randy Sy at Buboy Go pero nagkamali sila. Sa ngayon, nawala na parang bula ang mga pangarap nila para sa kai-kanilang anak dahil sa kawalan ng bayag nina Buencamino at Alarilla na iwasan ang kinang ng lingguhang intelihensiya nina Randy Sy at Buboy Go. Kailan pa kayo magigising ha, Gov. De la Cruz, Fokno, Alarilla at Buencamino? Aantayin nyo pa bang tumaas ang bilang ng kriminalidad at drug addiction sa Bulacan bago kayo kumilos? He-he-he! Panay bulsa nyo lang ang inaatupag nyo! Para naman sa hepe ng Meycauayan na si Supt. Fernando Villanueva, narito ang mga puwesto nina Randy Sy at Buboy Go sa inyong lugar. Sinabi ng mga pulis-WPD na nakausap ko, ang mga makina nina Randy Sy at Buboy Go sa Meycauayan ay matatagpuan sa Bgy. Tugatog, Bangkal, Bayugo, Longos, Gasak, Salisoy, Kalbaryo, LGP, Malhacan, Lawa, Libtong, Langka, Iba, Pajo, Sto. Niño, Kamalig at Tires.
Hayan, may tip na kay Supt. Villanueva at dapat isama na siya ng mga Bulakenyo sa sisi kapag hindi na siya kumilos. Kapag hindi masawata ni Villanueva ang video karera diyan, ibig sabihin nyan may grasya ring pumapasok sa bulsa niya, di ba mga suki? Kayat nararapat lang na huwag i-confirm ng Commission on Appointments si Reyes kahit may lasong pakinggan ang laway niya pero sa totoo lang, wala rin palang binesa laban kina Randy Sy at Buboy Go. Abangan!