Ayon sa mga kausap ko sa WPD, hindi naman ininda nina Randy Sy at Buboy Go ang exposé ko at imbes pinag-ibayo pa nila ang kanilang negosyo. Maaaring nagtagumpay ang mga bataan ni CIDG director Chief Supt. Carding Dapat nang salakayin nila at kumpiskahin ang mga makina ng dalawa ng nagdaang mga araw pero handa rin sila sa ganitong sitwasyon. Ang siste pala, may maraming nakaimbak na makina sina Randy Sy at Buboy Go kayat tuwing hablot ng CIDG ng VK nila may nakahanda na silang pamalit. Kayat ang makina nina Randy Sy at Buboy Go sa Bulacan ay hindi maubus-ubos. Ang katwiran nina Randy Sy at Buboy Go, magsasawa rin ang CIDG sa pagsagawa ng raid sa mga puwesto nila, he-he-he! Tiyak hindi mauubos ang mga adik at kriminal sa Bulacan dahil sa naglilipanang video karera, di ba mga suki?
Sinabi ng taga-WPD na ang mga makina nina Randy Sy at Buboy Go sa Meycauayan ay matatagpuan sa Bgy. Tugatog, Bangkal, Bayugo, Longos, Gasak, Salisoy, Kalbaryo, LGP, Malhacan, Lawa, Libtong, Langka, Iba, Pajo, Sto. Niño, Kamalig at Tires. Ayon sa kausap ko, tig-limang makina nina Randy Sy at Buboy Go ang nakalatag sa mga nabanggit kong barangay. Abot mo ba yan Mayor Eddie Alarilla Sir? Bakit ba ayaw mong ikumpas ang mga kamay mong bakal laban sa makina nina Randy Sy at Buboy Go? Manhid ka ba sa mga hinaing ng mga constituents mo lalo na yong mga magulang? Ang daming tanong na itong sina Alarilla lang at San Miguel Mayor Pope Buencamino ang may kasagutan.
At hindi lang sina Gov. De la Cruz, Fokno at Alarilla ang dapat sisihin sa nagdagsaang video karera sa Meycauayan kundi maging ang hepe ng pulisya na si Supt. Fernando Villanueva. Inutil ka rin pala Supt. Villanueva Sir kung video karera nina Randy Sy at Buboy Go ang pag-uusapan. Mas malaki pa ba sa P30,000 kada linggo ang kita mo sa dalawang VK operators, Sir Villanueva? At kung maligaya ang kolektor ni Fokno na si alyas Sulo, tiyak ganun din ang kolektor ni Villanueva. Makikilala nyo rin siya sa susunod na mga araw, mga suki. Abangan!