Apat na cardinals ang matunog na maglalaban para sa pagiging Papa. Sila ay sina Dionigi Tattamanzi, Francis Arinze, Oscar Andres Rodriguez at Joseph Ratzziner. Sa apat, pinaka-paborito si Francis Arinze ng Nigeria. Si Arinze ay matalik na kaibigan ng Pope John Paul II. Umanoy ito ang kinukunsulta ng Papa sa maraming bagay lalo na sa mahirap na desisyon. Kung si Arinze ang mapipiling successor ng Papa, siya ang kauna-unahang African na magiging Pope. Sa termino ni Pope John nagsimula ang trend na hindi isang Italian ang napiling Papa. Si Pope John Paul II ay nagmula sa Poland. Siya ang ika-263 Papa. Ang una ay si St. Peter.
Mahirap ang maging Papa, ayon kay Cardinal Vidal kaya wala siyang interes sa trabahong yan. Ayon kay Vidal, ang isang Papa ay nararapat na maraming nalalaman at mahusay makiharap sa tao hindi lamang sa mga Katoliko kundi sa mga Muslim, Jews, born again-Christians at iba pa. Higit sa lahat kailangan ay may sapat na kaalaman sa isyu ng pamilya, pag-aasawa at kahirapan.
Maraming kahaharaping problema ang kapalit ni Pope John Paul II. Mas lalo pa nga kung si Cardinal Arinze ang mapipili. Paanoy magiging malaking isyu na naman ang paggamit ng mga contraceptives gaya ng pills, condom, IUD at iba pa. Tutol ang namayapang si Pope John Paul II sa paggamit ng mga nabanggit para mabuntis. Tutol din siya sa paggamit ng condom para maiwasan ang pagkahawa ng Acquired Immune Deficiency Syndrome (AIDS). Isang malaking problema sapagkat ang Africa ang itinuturing na may pinaka-maraming kaso ng AIDS. Paano nga kung si Arinze ang susunod na Papa? Ano ang paninindigan niya sa mabigat na problema?
Ano rin ang magiging paninindigan ng Simbahan sa walang tigil na paglobo ng populasyon kung ganoon na lamang ang pagtutol nila sa mga kontraseptibo? Mahirap nga ang maging Papa.