Nasa hukay na ang mga terorista at naibabalik na nang unti-unti ng iba pang inmates sa Camp Bagong Diwa ang kanilang nabulabog na buhay pero ang dahilan ng pagtakas ng mga napatay ay iniimbestigahan pa sa kasalukuyan.
Ang labis na pagtitiwala at kapabayaan ang naging dahilan kaya nagtangkang tumakas ang mga Abu Sayyaf. Ayon sa pagsisiyasat na isinasagawa ng mga probers sa Camp Bagong Diwa, nagkaroon nang pagpapabaya ang mga guwardiya. Isang inmate ang nagsabi na ang dalawang guwardiya na nakadestino sa kanilang selda ay nakasubsob sa mesa at halatang inaantok o natutulog. Ilan pang inmates ang nakapansin sa pagiging maluwag ng mga guwardiya sa bilanggo.
Masyadong nagtiwala ang mga guwardiya sa apat na lider ng Abu Sayyaf. Madalas makita na nakikipagkuwentuhan ang isang guwardiya kay Kumander Kosovo at tinatapik-tapik pa umano ni Kosovo ang balikat ng guwardiya. Nakikipag-"high five" pa rin umano ang isa sa mga guwardiya samantalang ang isa pa ay ipinagagamit ang kanyang cell phone sa mga inmates na gustong tumawag.
Walang kamalay-malay ang tatlong guwardiya na ang mga pinagmagandahan nila ng loob na Abu Sayyaf ang babaril sa kanila. Naganap ang tangkang pagtakas matapos isilbi ang agahan sa mga bilanggo. Inagawan ng baril ang tatlong guwardiya at binaril. Patay ang tatlo. Hindi nakaporma sa inaakalang mga kaibigan.
Matapos pagbabarilin ang tatlong guwardiya, mabilis na lumabas sa selda ang mga lider ng Sayyaf at kanilang miyembro pero dalawang guwardiya ang nakakita sa kanila at silay pinaputukan. Isa sa dalawang guwardiya ang nasugatan. Doon na nagsimula ang 30 oras na pagmamatigas ng mga terorista hanggang sa silay lusubin.
Kapabayaan at pagtitiwala. Ang dalawang ganitong ugali ay hindi applicable sa mga jailguards. Ang sobrang pagtitiwala ay nakamamatay at mas lalo naman ang kapabayaan.