Namatay si Tommy na hindi nabayaran ang mga tsekeng binigay niya kay Dina. Kaya higit pang nagtagal na makulekta ito ni Dina dahil dadaan pa siya sa mahaba at matagal na prosesong maghabol sa mga ari-ariang naiwan ni Tommy. Kaya maliban sa paghahabol na ito, sinampahan din niya ng kaso ang HSBC para sa danyos. Inabuso raw ng HSBC ang kanilang karapatan dahil sa hindi pagbayad nito ng tseke ng walang sapat na dahilan at walang mabuting intension kundi pinsalain siya. Ito raw ay labag sa Art. 19 ng Civil Code kaya dapat bayaran siya ng HSBC ng danyos katumbas ng halaga ng tseke na umabot ng P20,864,000.00 ayon sa palitan ng HK$.
Hiniling ng HSBC na idismiss ang kaso ni Dina. Hindi raw labag sa Art, 19 ang kanilang ginawa. Tama ba ang HSBC?
MALI. Para managot ayon sa Art 19, kinakailangan na: (1) may legal na karapatan o katungkulan; (2) na ginamit ng may masamang hangarin; (3) upang perhuwisyuhin o pinsalain lang ang ibang tao.
Ang reklamo ni Dina laban sa HSBC ay malinaw na nagsasaad na inabuso nga nito ang kanilang katungkulan at karapatan sa pakikitungo sa kanya. Maari talagang managot ang HSBC sa mga pinsalang natamo ni Dina dahil sa mga kinilos nito. Kapag ginamit ang isang karapatan ng hindi kumporme sa pamantayang tapat at walang mabuting hangarin, may pagkakamaling nagawa na dapat panagutan sa pamamagitan ng bayad pinsala. Kaya hindi dapat idismiss ang kaso ni Dina (HSBC vs. Catalan, G.R. 159590, October 18, 2004).