^

PSN Opinyon

EDITORYAL – Bansa ng shabu

-
NUMBER 5 ang Pilipinas sa mga bansang malakas mag-export ng shabu, ayon sa United States Department. Nasaktan ang mga kongresista sa pahayag ng US at sinabing hindi makatarungan ang pagkakasama ng Pilipinas bilang major shabu exporter. Sa pagkakasama sa listahan para na rin daw sinabi ng US na hindi gumagawa ng hakbang ang gobyerno para malutas ang problema ng illegal drugs sa bansa. Wow! Balat sibuyas ang mga kongresista. Bakit hindi nila matanggap na talaga namang talamak na ang problema sa droga sa bansang ito? Nagsasabi lamang ng totoo ang US at ito ay naglalantad lamang na walang seryosong kampanya ang gobyerno kung paano madudurog ang drug syndicates sa bansa. Mabuti pa nga at number five ang Pilipinas. E di kung naging number one, baka mas lalong umangal ang mga kongresista at lalong masaktan.

Sa halip na masaktan, hanapin ang problema kung bakit sa tagal ng panahon ay hindi madurog ang sindikato ng droga sa bansa. Sa halip na maging balat-sibuyas, gumawa ng batas na magdadagdag nang mabigat na parusa sa mga madadakip ng drug traffickers. Sa halip na kuwestiyunin nang kuwestiyunin at umangal sa mga kritiko, hagupitin ang mga drug enforcement agencies na tutukan at sikaping madakip ang mga lider ng sindikato at hindi ang mga katulong sa shabu laboratory ang nadarakip.

Atasan ang Philippine National Police (PNP) na dagdagan pa ang pagsisikap at huwag tulugan ang problema sa illegal drugs. Laging ipinagmamalaki ng PNP na marami na silang nalansag sa shabu laboratory. Pinakarami noong nakaraang taon kung saan limang malalaking international sydicate at 83 local drug syndicates ang kanilang nalansag. Sunud-sunod nga naman ang pagkakatuklas ng PNP sa mga shabu labs sa Parañaque City, Valenzuela City at Quezon City. Pero ang labis na nakapagtataka ay kung bakit walang malalaking "isda" na lider ng sindikato ang kanilang nadadakma. Nasaan na sila? Nakatakas na bago pa man dumating ang mga pulis? Nabigyan na ng tip ng mga kasamahan o mismong mga "bugok" na pulis na kasabwat nila ang nagbigay ng signal para tumakas?

Karumal-dumal ang mga krimeng idinudulot nang pagkagumon sa shabu. May nanggagahasa, pumapatay, nagnanakaw, at marami pang iba. Kung hindi magkakaroon ng mabisa at seryosong kampanya ang gobyerno, malamang na maging number one na ang Pilipinas sa pag-eexport ng shabu. Magsusulputan na parang kabute ang mga shabu labs.

Durugin ang mga sindikato ng shabu para mailigtas ang kabataang Pinoy sa pagkasugapa.

ATASAN

BAKIT

PHILIPPINE NATIONAL POLICE

PILIPINAS

QUEZON CITY

SHABU

UNITED STATES DEPARTMENT

VALENZUELA CITY

  • Latest
  • Trending
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with