Ang "lifestyle check" ay bigla na namang nagkaroon ng ningning ngayong dalawang general sa AFP ang nasasangkot sa katiwalian. Una nang sinuspinde si Army Major Gen. Carlos Garcia ng Office of the Ombudsman makaraang makita na hindi proportionate ang sinasahod nito sa idineklarang statement of assets and liabilities (SAL). Si Garcia ay sumasahod lamang nang mahigit P36,000. Nadiskubre na may apat na sasakyang mamahalin si Garcia at malaking bahay. Nahalukay ang hindi maipaliwanag na yaman ni Garcia nang pigilin ng US authorities ang kanyang anak na lalaki sa San Francisco airport dahil hindi nito nai-declare ang dalang $10,000. Sinabi naman ng misis ni Garcia na ang mga dolyares ng kanyang asawa ay nanggaling sa ibinigay na travel money at expenses. Tumatanggap din daw ang kanyang asawa ng mga cash na gastusin mula sa European at Asian companies na nabigyan ng award para sa military hardware. Tumanggap din daw ito ng "gratitude" money mula sa mga Philippine companies na nabigyan ng award sa military contracts para gumawa ng kalsada, tulay at military housing. Sinuspinde na si Garcia ng anim na buwan
Mismong si retired Navy commodore Rex Robles ang nagsabi na may mga general pang kasangkot sa katiwalian. Tinawag pa nga niya ang mga ito na "anay". Kung ganoon matagal nang nangyayari ang katiwalian sa AFP at ang nakapagtataka, ngayon lang ito nabubuking. Nasaan ang "lifestyle check"ng pamahalaang Arroyo? Mga "dilis" lamang ang nalalambat at nakapupuslit ang mga pating at patuloy pa sa pangungulimbat.
Wala pa ngang nakikitang tagumpay ang "lifestyle check" mula nang isinilang. Paanoy may ngiping bungi-bungi at pasulpot lamang kung kumagat. Sa pagkakabuking sa mga nagpapayamang general sa AFP, nararapat lamang na kumagat na rito ang mga ngipin, nguyain at saka durugin. Para magkaroon ng tiwala ang taumbayan.